Veteran entertainment columnist Ethel Ramos, according to sources, has resigned as talent manager of multi-awarded actor Aga Muhlach. This photo of Manay Ethel and Aga was taken during the intimate birthday dinner for the talent manager in 2009.

Photo: Emerson Sy

Wala na sa pangangalaga ni Ethel Ramos ang aktor na si Aga Muhlach pagkatapos ng humigit-kumulang dalawang dekada na pagsasama nila bilang manager at talent.

Ayon sa ilang malalapit na tao kay Manay Ethel, na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), matagal nang nag-resign ang batikang talent manager at kolumnista bilang manager ni Aga.

Hindi lang daw ito ipinapaalam ni Manay Ethel sa publiko at maging sa press dahil nais nitong protektahan si Aga sa maaaring batikos ng mga ito.

THE DEAL. Ayon sa dalawang sources ng PEP, nag-ugat ang desisyon ni Manay Ethel na mag-resign bilang manager ni Aga nang nagkaroon ng deal sa TV5 ang aktor.

Labinwalong taon ang inilagi ni Aga sa bakuran ng ABS-CBN ngunit noong early 2011 nga ay nagdesisyon siyang lumipat sa Kapatid network.

Nagulat daw si Manay Ethel sa hakbang na ito ni Aga dahil wala raw siyang alam tungkol dito.

Bukod pa rito, hindi naman lingid sa marami na malapit si Manay Ethel sa ABS-CBN. Sa katunayan, madalas na si Manay Ethel ang nagsisilbing emcee sa mga presscon ng Star Cinema movies at ABS-CBN shows.

Ayon pa sa kuwento ng aming sources, nabigla na lang si Manay Ethel na may iprinisenta sa kanya si Aga na deal sa TV5.

Dagdag pa nila, ang ama ni Aga na si Cheng Muhlach ang nagbuo at naglapit kay Vic del Rosario ng deal ng paglipat ng aktor sa TV5.

Si Boss Vic ang tagapamahala ng Viva Entertainment Inc. at partner din ng Kapatid network sa ilang malalaking proyekto.

Unang pumutok ang balitang paglipat ni Aga sa TV5 noong December 2010.

Pero noong March 2011 sila nagkasarahan para sa three-year contract ng aktor sa Kapatid network.

Nang nagsara na ang magkabilang kampo ay pinapunta raw ni Aga si Manay Ethel sa kanyang bahay upang makapag-usap sila.

Sa paghaharap nila ay tinanong daw ni Manay Ethel si Aga: "Saan ako riyan sa usapang 'yan?"

Tiniyak naman daw ni Aga kay Manay Ethel na magiging bahagi pa rin siya ng career ng aktor—ngunit bilang co-manager na ni Boss Vic.