Aminado si Kathryn Bernardo na mas tumitibay ang pagkakaibigan nila ngayon ng young actor na si Enrique Gil. Kuwento nga niya, "Sa taping, talagang every day kami magkakasama, maghapon. So, mas nakikilala mo talaga iyong bawat tao, iyong mga staff... ayun, mas nakilala ko talaga si Quen sa taping na 'yon."

Photo: Noel Orsal

Hapon ng Marso 20, Martes, nang bumalik sa bansa si Kathryn Bernardo mula sa Bhutan, kasama ang young actor na si Enrique Gil at iba pang staff ng upcoming ABS-CBN teleserye na Princess And I. 

Mula sa airport ay agad na dumiretso sina Kathryn sa party ni Julia Montes na ginanap sa Antipolo.

Doon ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Kathryn na masayang nagkuwento tungkol sa dalawang linggo nilang pamamalagi sa Bhutan.

Ayon kay Kathryn, napakalamig daw doon, bagay na nakadagdag sa alalahanin niya bukod sa pag-arte sa bago niyang karakter.

"Super nahirapan ako doon sa character kasi medyo hindi pa ako sanay doon sa comedy, ganyan.

"Nae-excite din po ako sa result kasi 'yong every scene, binabantayan kami ni Direk Dado [Lumibao] na super iba.

"So, sana magustuhan nila kasi super pinaghirapan namin."

Malaki umano ang kaibahan ng Princess And I sa mga dating teleserye ni Kathryn, tulad ng Magkaribal at Mara Clara.

"Iba, iba po talaga saka iyong story niya, very light.

"Kasi gusto rin nila na magkaroon ng light sa primetime na hindi puro heavy iyong story.

"So, masasabi ko super opposite from Mara [iyong role] and iyong story niya and iyong environment, ibang-iba."

Isang "lost princess" ang papel na gagampanan dito ni Kathryn.

LEADING MEN. Sa unang pagkakataon ay tatlo ang magiging leading men ni Kathryn sa programa—sina Enrique Gil, Daniel Padilla, at Khalil Ramos.

Kanino sa tatlo ba siya pinakamalapit sa ngayon?

"So far, siyempre, ayoko munang magsalita din po ng tapos kasi ngayon ka-close ko naman sila," sagot ng batang aktres.