Robin Padilla says he might lose his own temper if he has his own Twitter account and sees what the bashers are tweeting against Sharon Cuneta. He says. “Kaya nga ayoko ring mag-Twitter, kasi ayoko ring makita [yung mga pang-aasar], kasi baka mawala ako sa hulog. Mahirap na.”

Photo: Noel B. Orsal (Robin), Sany Chua (Sharon)

Nung una’y ayaw sanang magkomento ni Robin Padilla tungkol sa pagpatol ni Sharon Cuneta sa mga fans na gumagamit ng Twitter para i-bash o asarin ang Megastar.

Pero kalaunan ay nagbigay na rin ng kanyang pakiusap ang action star sa bashers ni Mega.

“Mabait na tao si Ma’am [Sharon]. Kung sinuman yung mga umaaway sa kanya, e, respetuhin na lang natin si Ma’am,” sabi ni Robin.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media sa launching niya bilang bagong Moneygram International ambassador, kahapon, Marso 21, sa Crowne Plaza Hotel, Pasig City.

“Unang-una, si Ma’am ay hindi na rin naman bago sa ating lahat.

“Asawa ng senador, marami na rin naman siyang naitanim sa ating mga puso, respetuhin na lang natin siya,” pag-ulit ng pakiusap ni Binoe.

Dagdag pa niya. “Sa ngayon, dapat ay nagsusumbong tayo sa kanya kung ano sa palagay natin ang puwede niyang gawin bilang si Sharon Cuneta, at bilang asawa ng senador.

"Sa kanya tayo magsumbong.

“Gamitin natin yung Twitter kung ano ang puwede niyang gawin.

“Sayang ang oras. Sayang ang social networking kung puro away lang."

NO TWITTER FOR ROBIN. Isa nga raw ang mga nangungutya at nang-aasar na Twitter users sa mga dahilan kung bakit hindi siya gumagawa ng Twitter account.

“Nakakatakot mag-Twitter. Ang daming KJ [killjoy], e!” natatawang sabi ni Robin.

“Stress yun, e. Stress yun.

“Sa edad nating ito, ayoko nang ma-stress,” dagdag pa ni Robin.

Kung kay Sharon na palaban daw talaga ay bagay ang Twitter, sa kanya raw ay hindi.