[x]

The 9th Golden Screen Awards winners: (L-R) Atty. Joji Alonso (Best Motion Picture-Musical or Comedy for Ang Babae Sa Septic Tank); Marlon Rivera (Best Director for Ang Babae Sa Septic Tank); Chris Martinez (Best Original Screenplay for Ang Babae Sa Septic Tank); Shamaine Buencamino (Best Supporting Actress for Niño); Angeli Sanoy (Breakthrough Performance by An Actress for Patikul), Rocco Nacino (Breaktrough Performance by An Actor for Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa); Racquel Villavicencio representing Art Acuña (Best Supporting Actor for Niño); Jean Garcia (Best Actress-Drama for Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa); Eugene Domingo (Best Actress-Musical or Comedy for Babae sa Septic Tank); Martin Escudero (Best Actor-Musical or Comedy for Zombadings); Edgar Allan Guzman (Best Actor-Musical or Comedy for Ligo Na U, Lapit Na Me); Nora Aunor (Lino Brocka Lifetime Achievement Award); and Aga Muhlach (Best Actor-Drama for In The Name of Love).

Photo: Melo Balingit

Muli na namang namayagpag ang indie films—partikular na ang mga kalahok noong isang taon sa Cinemalaya Independent Film Festival—sa katatapos lamang na 9th Golden Screen Awards.

Ang film awards na ito ng Entertainment Press Society (EnPress) ay ginanap ngayong gabi, March 24, sa Teatrino Greenhills sa San Juan City.

Nanalo ang Ang Babae Sa Septic Tank ng anim na awards; kabilang na ang Best Motion Picture-Musical or Comedy, Best Director para sa baguhang direktor na si Marlon Rivera, at Best Screenplay para kay Chris Martinez.

Ang bida ng pelikula na si Eugene Domingo ang itinanghal na Best Actress in a Leading Role-Musical or Comedy.

Ito na ang ika-apat na award ni Eugene para sa pagganap niya bilang kanyang sarili sa Ang Babae Sa Septic Tank. Una sa Cinemalaya, pangalawa sa Gawad Tanglaw, at pangatlo sa Asian Film Awards (People's Choice for Favorite Actress).

Ito rin ang ikalawa niyang tropeyo mula sa Golden Screen Awards para sa parehong kategorya. Una siyang nanalo noong 2010 para sa Kimmy Dora.

Nag-tie naman bilang Best Actor in a Leading Role-Musical or Comedy ang Kapatid talents na sina Martin Escudero para sa Zombadings 1: Patayin Sa Shokot Si Remington at Edgar Allan Guzman para sa Ligo Na U, Lapit Na Me.

Ang mga pelikulang ipinanalo nila ay una ring ipinalabas sa Cinemalaya noong nakaraang taon, kung saan si Edgar ang nagwaging Best Actor (New Breed category.)

Sa kanyang acceptance speech ay nag-apologize si Edgar sa kanyang manager na si Noel Ferrer dahil sa naging alitan nila kamakailan.

Sa Drama category, itinanghal na Best Motion Picture ang Niño, na entry rin sa Cinemalaya noong nakaraang taon.

Nagwagi rin ng dalawang acting awards ang Niño: Best Supporting Actor para kay Art Acuña at Best Supporting Actress para kay Shamaine Buencamino.

Sina Art at Shamaine din ang nagwagi noon bilang Best Supporting Actor at Best Supporting Actress sa Cinemalaya.

Si Shamaine ay nagwagi rin sa katatapos lang na Asian Film Awards na ginanap sa Hong Kong.

Ang nagwagi namang Best Actress in a Leading Role-Drama ay si Jean Garcia para sa pagganap niya bilang guro at ballet instructor sa Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, na unang ipinalabas sa Cinemalaya noong isang taon.

Si Aga Muhlach naman ang itinanghal na Best Actor in a Leading Role-Drama para sa pagganap niya sa mainstream movie na In The Name of Love.