[x]

Nora Aunor is also scheduled to return the U.S. for another throat operation. When asked how much her surgery would cost the Superstar said, “Malaki! Sobrang laki!” but declined to reveal the amount.

Photo: Melo Balingit


Maikli at mabilisan lang ang naging panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Nora Aunor kagabi sa ginanap na Golden Screen Awards ng EnPress (Entertainment Press Society) sa Teatrino sa Greenhills, San Juan City. 

Ginawaran siya ng Lino Brocka Lifetime Achievement Award kaya gano’n na lang ang tuwa at pasasalamat ng Superstar.

“Maraming salamat sa EnPress,” aniya.

“At nais kong ihandog ang karangalang ito sa lahat ng mga fans, sa lahat ng nagmamahal sa akin, at sa pamilya ko.”

Masayang ibinalita rin ng Superstar na may gagawin siyang indie film na ididirehe ni Brillante Mendoza.

"Sa April 14 po ang shooting namin.  Sa Tawi-Tawi ang location ng pelikula.”

Nakatakda rin daw siyang bumalik ulit sa Amerika para sa operasyon ng kanyang lalamunan.  Pero hindi sinabi ng aktres kung kailan.

“Na-check-up na ako ng doktor.  Kaya kailangang bumalik ako.”

Balitang napakalaking halaga raw ang kakailanganin para sa nasabing operasyon?

“Totoo ‘yon.

“Kaya pinag-iipunan ko pa ‘yong ibang kakailanganin para sa gastusin.”

Magkano ba aabutin ang gastos?

“Malaki!” natawang sabi ni Ate Guy.

“Sobrang laki!”

Ayaw magbigay ng aktres ng eksaktong halaga na kakailanganin para sa operasyon niya.