[x]

Jean Garcia on her daughter's ex-boyfriend, Martin Escudero: “Naiintindihan ko siya na, kumbaga, parang hindi niya… na nagsisisi siya na hindi niya na-prioritize ang family niya. Kasi ako, maski naman ako kay Jennica, sinasabi ko din ‘yan, di ba? Dahil ako mismo, ganun din ako. Ang priority ko is yung family. Priority ko ang mga anak ko, hindi ba?"

Photo: Noel Orsal

Si Jean Garcia ang itinanghal Best Actress in A Dramatic Motion Picture sa 9th Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (EnPress) noong March 24.

Nanalo siya para sa kanyang pagganap sa Cinemalaya entry last year na Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa.

Ayon kay Jean, hindi niya inaasahan ang kanyang pagkapanalo noong gabing iyon.

Nagpapasalamat nga raw siya na hindi sila magka-kategorya ng nanalong Best Actress in A Musical or Comedy Motion Picture na si Eugene Domingo (Ang Babae Sa Septic Tank).

“No, not at all. Not at all talaga… kasi nakita mo naman yung kapwa ko nominado, hindi ba?

“Sabi ko nga, ‘Naku, buti na lang hiwalay ang drama at comedy!’

“Kasi kung magkasama, sigurado na ako na si Uge [palayaw ni] yung mananalo dahil napakagaling ng kapatid ko, hindi ba, ng kumare ko talaga.

“So, thank you sa EnPress and thank you rin kay Lord kasi isang malaking blessing ito,” sabi ni Jean.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jean sa thankgiving presscon ng Afternoon Prime block ng GMA-7 kagabi, March 27, sa Studio 6 ng Kapuso network.

Kasama si Jean sa cast ng Alice Bungisngis and Her Wonder Walis, na isa sa mga namamayagpag na afternoon shows ng GMA-7.

Ang napanalunang tropeyo ni Jean sa Golden Screen Awards, ayon sa aktres, ang ikatlo niyang acting award.

Una siyang nanalo sa Metro Manila Festival 1996 bilang Best Supporting Actress para sa Trudis Liit.

Nasundan ito noong 2002 sa Star Awards for TV ng Philippine Movie Press Club (PMPC) nang manalo siyang Best Drama Actress para sa Pangako Sa ‘Yo ng ABS-CBN.

At pagkatapos ng sampung taon ay nanalo ulit ng award si Jean.

“So, medyo matagal na din, so talagang ang sarap ng feeling!” sambit niya.