Because of her looks and choice of songs, Cathy Go has been compared to Yeng Constantino. “Gusto ko ang mga kanta niya at saka magaling siyang sumulat. Idol ko rin po siya. Nirerespeto ko po siya. Given the chance, gusto ko rin po siyang makasama sa isang collaboration," says Cathy.

Photo: Glen P. Sibonga

Aminado ang baguhang singer na si Cathy Go na malaki ang paghanga niya sa Box-Office King na si John Lloyd Cruz.

Kinikilig pa nga ito nang sabihing si Lloydie (palayaw ni John Lloyd) ang kanyang showbiz crush dahil bukod daw sa gwapo ay magaling pang umarte. Lahat nga raw ng mga pelikula ng aktor ay pinapanood niya.

“Si John Lloyd po ang crush na crush ko. Akin siya,” biro ni Cathy.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang singer bago ang kanyang gig sa Chic-Boy restobar sa Timog Avenue, Quezon City. Regular na nagpe-perform si Cathy sa Chic-Boy tuwing Lunes at Biyernes.

Sana nga raw ay maging leading man niya si John Lloyd sa isang music video na gagawin niya.

Anong kanta naman niya galing sa kanyang debut solo album na Cathy Go: Find My Way To You ang gusto niyang gamitin sa music video nila ni Lloydie?

“Yun pong 'Ngayong Gabi,'” na tila gusto niyang sabihin na for one night ay sa kanya muna si Lloydie.

Ang ultimate wish nga raw niya ay ma-meet sa personal ang aktor at maka-date ito kahit sa isang gabi lang.

“Friendly date lang naman po. Sana ma-meet ko siya sa personal. Mahihimatay talaga ako. Sana kung may time siya, mabisita niya ako dito sa Chic-Boy Timog at mapanood niya ang gig ko.”

Wala naman daw siyang intensyon na agawin si Lloydie sa girlfriend nitong si Shaina Magdayao. Para sa isang babaeng humahanga sa aktor gusto lang daw niyang makilala ito nang personal.

SIMILARITIES BETWEEN CATHY & YENG. Kapansin-pansin na may anggulong hawig si Cathy sa isa pang singer na si Yeng Constantino.

Inamin nga ni Cathy na ngayon pa lang ay may mga nagkukumpara na sa kanya kay Yeng dahil bukod sa hitsura, pati sa tugtugan ay halos pareho raw sila. Pero ayon kay Cathy, hindi raw siya nakikipagkumpitensiya.

“Sana hindi na kami ma-compare kasi magkaiba naman po kami. Nood po sila ng gig ko at masasabi nila magkaiba kami.

"Pero siyempre nakaka-flatter na maikumpara kay Yeng kasi sikat na siya e.

"Salamat din na ma-compare ako sa kanya. Pero yun nga mas masarap yung makilala ka sa sarili mong talento at kakayahan.”