Annabelle Rama is in the news again because of her feud with former movie queen Amalia Fuentes (inset, top) and former Miss Universe Gloria Diaz (inset, bottom).

Photo: Noel Orsal / Rodel Fernando

May nagparating sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nagkaroon daw ng gulo nang dumating si Annabelle Rama sa Misa para sa libing ni Joey Stevens na ginanap sa chapel ng Santuario de San Antonio sa Forbes Park, Makati kaninang umaga, April 3.

Si Joey Stevens ang estranged husband ng dating movie queen na si Amalia Fuentes.

Ayon sa source ng PEP, "pula" raw ang suot na damit ni Annabelle nang dumating doon para dumalo sa misa.

Pinalayas daw si Annabelle ni Amalia na galit na galit nang nakita ang talent manager.

Nagkaroon daw ng mainit na pagtatalo sina Amalia at Annabelle sa gitna ng Misa.

Hindi raw umalis si Annabelle at sinabi lang daw nitong pumunta siya roon para sa patay.

ANNABELLE’S STORY. Agad tinawagan ng PEP si Annabelle para kumpirmahin ang naturang insidente.

Noong una, hindi ito sumasagot. Pero ilang sandali lang, tumawag ang talent manager para magpaliwanag kung ano ang aniya’y “totoong nangyari.”

Simulang kuwento ni Annabelle; “May ka-meeting ako, ‘Dong, sa Rustan’s [Makati] sa may Starbucks.

“Tapos na ang meeting ko, tumawid lang ako ng simbahan, kasi hindi pa ako nakapagsimba.

“Ewan ko, bakit parang dinala yung paa ko pakaliwa.

“Sabi sa akin ng guard dun, last day na raw ni Joey, may Misa raw. Ililibing na siya.

“Pumasok ako para magdasal lang. Mag-light ng candle.

“Wala naman talaga akong balak na pumunta, pero naisip ko puntahan ko na lang kasi kaibigan ko naman si Joey.

“Bago siya namatay, nagkita pa kami sa Greenhills, nag-usap pa kami, e.”