Angeline Quinto's second album, "Fall In Love Again" reaches number one at Astroplus Record Bars a few weeks after its release.

Photo: Noel Orsal

“Queen of Teleserye Theme Songs” na ang bansag ngayon kay Angeline Quinto, mahigit isang taon matapos siyang magwagi sa reality singing competition na Star Power.

Mula sa pagkanta niya ng OST (official sountdtrack) ng Kris TV, naging sunud-sunod pa ang mga kanta niyang naging theme song ng mga Kapamilya teleserye.

Kabilang dito ang: “Kunin Mo Na Ang Lahat Sa Akin” ng Minsan Lang Kita Iibigin, “Patuloy Ang Pangarap” ng Maria La Del Barrio, “Saan Darating Ang Umaga” ng Budoy, “Hulog Ng Langit” ng Mundo Man Ay Magunaw, “Hanggang” ng Walang Hanggan, at “Ngayon” ng Reputasyon.

Ayon kay Angeline, hindi naman pinlano ang lahat ngunit lubos niyang ipinagpapasalamat ang mabigyan ng ganitong titulo.

“E, siyempre naman, pangarap ko po talaga yun. Kaya, sabi ko nga po, talagang napakabait ng Diyos sakin,” wika ni Angeline.

Ilan pa sa mga ipapalabas pa lamang na teleserye ay magkakaroon din ng theme song mula sa album ni Angeline. Ang “Nag-iisang Bituin” para sa The Princess and I, at “Kung Ako’y Iiwan Mo” sa teleserye na may parehong pamagat.

“Talagang patuloy po yung blessings na dumadating sa akin. Kasi bukod po sa mga theme songs ng mga teleserye, nabigyan po ako ng chance na makanta naman yung ibang movie theme songs naman po ng ABS-CBN,” dagdag pa niya.

Ang “You’re My Home” ang naging theme song ng pelikulang Way Back Home at ang “If You Asked Me To” naman ay sa Unofficially Yours.

Noong Marso 25 lamang inirelease ang ikalawang album ni Angline na “Fall In Love Again” ngunit agad itong nanguna sa sales sa mga Astroplus Record Bars

“Ah, talagang nagulat lang po ako, kasi nasa Amerika po kami nung nabalitaan nga po namin na yung second album ay nag-number one na nga po.”

“Kaya sobra-sobrang pasasalamat ko siyempre, sa mga nakabili ng album ko at sa [mga bumili ng] Patuloy Ang Pangarap.”

DREAM DUET WITH REGINE. Isang pangarap na naman ni Angeline ang natupad sa kanyang second album. Ito ay ang maka-duet ang kanyang idolo na si Regine Velasquez.

Lalo pa daw itong naging makabuluhan dahil espesyal sa kanya ang kanilang inawit.

“Alam niyo po kasi, itong ‘Lipad ng Pangarap,’ dati po, nung nakatira pa po ako sa Sampaloc, lagi ko pong kinakanta sa nanay ko kasi meron po kaming maliit na sari-sari store.

“Kaya, tuwing naririnig ko ‘tong kantang ‘to, lagi po akong naiiyak.”