The court battle between talent manager Annabelle Rama (left) and former actress Nadia Montenegro (right) continues as the Quezon City Prosecutor's Office affirms 14 counts of libel, grave oral defamation, and two counts of unjust vexation filed by the latter against the former.

Photo: Noel Orsal

In-affirm na ng prosecutor's office sa Quezon City ang libel case, grave oral defamation, at unjust vexation na isinampa ni Nadia Montenegro laban sa talent manager na si Annabelle Rama.

Ito ang isinaad ng report ng ABS-CBNNews.com na inilathala ngayong araw, April 16.

Ang libel ay isa lamang sa mga sunud-sunod na reklamong isinampa ng kampo nina Nadia at Annabelle laban sa isa't isa, bunsod ng masalimuot na alitan ng dalawang showbiz personalities.

Nagsimula ang alitan nila sa pagnanais ni Nadia na i-release ni Annabelle mula sa kanyang talent management ang dalawa niyang menor-de-edad na anak na sina Alyanna at Annika.

Nang hindi pumayag si Annabelle ay kinasuhan siya ni Nadia ng child abuse.

Ang mga sumunod na nakasisirang pahayag ni Annabelle laban kay Nadia sa mga panayam sa telebisyon at sa Twitter naman ang naging basehan ng pagsasampa ng dating aktres ng kasong libel.

Ang basehan naman ng kasong grave oral defamation, two counts of unjust vexation, at attempted physical injuries ni Nadia laban kay Annabelle ay ang naganap na eskandalo noong December 6, 2011, kung saan inambaan umano ng suntok ni Annabelle si Nadia.

(CLICK HERE to read related story.)

Ilan naman sa mga isinampang reklamo ni Annabelle laban kay Nadia ay theft at kidnapping.

Ayon sa Quezon City Prosecutor’s Office, may basehan ang 14-counts of libel na isinampa ni Nadia laban kay Annabelle, dahil may "malice" ang tatlong TV interviews nito at labing-isang tweets na isinulat ng talent manager sa Twitter.

Ayon pa sa resolusyon, may basehan din ang grave oral defamation at ang two counts ng unjust vexation.

Samantala, ibinasura naman ng parehong hukuman ang child abuse case na isinampa ni Nadia laban kay Annabelle dahil sa kawalan ng ebidensiya.

Ayon sa korte, si Nadia ang may direct supervision sa mga anak niya at hindi kay Annabelle.

Ibinasura rin ng korte ang isinampang attempted physical injuries ni Nadia.

Naibasura rin ang kasong attempted kidnapping na isinampa ni Annabelle laban kay Nadia, dahil umano sa kawalan ng probable cause.