“Tutal ako naman yung nakakaintindi, ako naman yung mas malawak ang pag-iisip sa ngayon, e, ako na lang ang iintindi dahil ang daming nangyayari sa buhay ko na magaganda para patulan ko ang wala namang isyu talaga," says Marian Rivera about Katrina Halili's tweets that may pertain to her.

Photo: Glen P. Sibonga

Pagkatapos lumabas dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang diumano’y muling namumuong alitan sa pagitan ng My Beloved co-stars na sina Marian Rivera at Katrina Halili, nagbigay na ng pahayag si Marian tungkol sa isyu.

“To be honest, maayos ako sa taping, nagtatrabaho ako nang maayos.

“Masaya kami ng staff and crew and especially ng direktor [Dominic Zapata] namin diyan.

“Ako, lumalapit ako kay Katrina para mag-hi sa kanya. Wala naman akong nakikitang… wala, masaya lang ako sa taping.

“Like tomorrow [April 18], magkikita kaming dalawa, so wala akong nakikitang masama na lumapit ulit ako sa kanya at mag-hi ako sa kanya,” saad ni Marian.

Nakausap ng PEP at ng iba pang press si Marian sa shoot ng music video ng singing group na Down To Mars, kung saan special guest ang Kapuso Primetime Queen. Naganap ito sa Revolver Studios sa Makati City kagabi, Abril 17.

Nagsimula ang isyu sa sunud-sunod na tweets ni Katrina sa Twitter tungkol sa isang taong “nai-insecure pa din” daw sa kanya.

(CLICK HERE to read related story.)

Sinabi pa niyang “alam mo na 5yrs ago. Nangyari na to” pero hanggang ngayon daw ay “hate” pa rin siya nito.

Buntis si Katrina ngayon sa kanilang anak ng boyfriend niya at singer na si Kris Lawrence.

Pati nga ang kundisyon niya ngayon ay isinama pa ni Katrina sa kanyang tweet na: “Naguguluhan Lang kasi talaga ako Sino ba ang buntis samen. Sya? O ako?”

Bagamat hindi nagbanggit ng pangalan si Katrina, may mga insidente at detalye sa kanyang tweets na tumutukoy kay Marian.

Gaya na lang ng “alam mo na 5yrs ago. Nangyari na to”—na kung matatandaan ay panahon kung kailan ipinalabas ang Marimar, na unang pinagsamahan ng dalawang aktres.

Nabalita noon ang pagkakaroon ng alitan ng dalawa, pero naayos din nang magtapos ang show nila.

Pero ngayon nga ay tila nauulit daw ito.