KC Concepcion on hosting a Kapamilya singing search while her mom Sharon Cuneta also has her own Kapatid singing contest: “Good yun for… sa ating mga Filipino. Sa sobrang daming magagaling… Magagaling naman talaga'ng mga Filipino. Siyempre nag-o-audition kami. Sa 'kin, parang there’s room for more singing competitions.”

Photo: Monching Jaramillo

Nadatnan na ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si KC Concepcion sa conference room ng Viva Films sa Tektite Building, Ortigas, Pasig City, kahapon, April 19, kung saan ginanap ang story conference ng pelikulang pagsasamahan nila nina Anne Curtis at Derek Ramsay.

Ang working title ng pelikula nila ay Nothing Compares To You.

Ilang araw pa lang nakakabalik si KC mula sa Hawaii kung saan niya ipinagdiwang ang kanyang ika-27 kaarawan noong April 7.

Ayon sa dalaga, nagawa na rin niyang mag-surfing kahit takot na takot ang kanyang mga kaibigan para sa kanya dahil may mga pating daw sa lugar kung saan siya nag-surf.

Obviously, wala naman daw nangyaring masama sa kanya dahil buung-buo naman namin siyang kausap nang sandaling yun.

Nagpaunlak agad ng panayam sina KC at Anne, pero dahil hindi pa nasisimulan ang kanilang storycon, wala pa silang masyadong maikuwento tungkol sa pagsasamahang pelikula.

MATURE ROLE FOR KC? Nang balikan ng PEP at mga entertainment press si KC, nakangiti ito at sinabing mas may maikukuwento na raw siya dahil tapos na ang kanilang meeting sa bago nilang pelikula.

Ayon kay KC, “Masaya kasi yung role for me... hindi siya masyadong safe.

“And ‘ando’n ako sa time na… sa time ng buhay ko na parang hindi na ako masyadong bagay sa sobrang safe dahil sa pinagdaanan ko na… namulat na yung mga mata ko. Gano’n.

“So yun. Excited ako na mero’n akong something new na paglalaruan… na pagtatrabahuan,” pahayag niya.

Ang tinutukoy marahil ni KC dito ay ang kabiguan niya sa pag-ibig matapos ang breakup nila ni Piolo Pascual.

Gaano ka-mature na KC ang mapapanood sa bago niyang pelikula?

“Hindi naman siguro sobra. Hindi rin.

"Siguro natural lang na paggu-grow up. Yung gano’n.

“Sana, sa lahat ng napagdaanan ko na experience ko sa buhay, kahit papa'no mailabas ko sa mga eksena para naman matulungan yung ibang babae na magkaroon ng inspirasyon.”