Gloria Diaz and Isabelle Daza are supposedly not on speaking terms, according to a PEP source. The cause: the daughter didn't like the way her mom reacted when she posed for a men's magazine.

Photo: Noel Orsal

Isang feed ang natanggap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw, Abril 23, tungkol sa umano’y tampuhan ng mag-inang Gloria Diaz at Isabelle Daza.

Ayon sa source, na nakakasalamuha ni Isabelle, may ilang linggo na raw na hindi nagkikibuan ang mag-ina matapos ang insidenteng naganap sa pictorial ni Isabelle para sa Rogue magazine kamakailan.

Base sa kuwento, bigla raw dumating si Gloria sa location, kung saan nagwala raw ito dahil sa mga seksing damit na ipinapasuot kay Isabelle.

Hindi raw pabor ang dating Miss Universe na pinagmumukhang kabastus-bastos ang kanyang anak.

Ikinadismaya naman daw ni Isabelle ang nangyari sa pictorial.

Kaya kahapon, Abril 22, sa shoot ng TV commercial na pinagbibidahan nilang dalawa ay nakiusap raw ang dalaga sa staff na bigyan siya ng hiwalay na dressing room.

Sinubukang hingan ng PEP ng pahayag si Isabelle tungkol sa isyu sa pamamagitan ng kanyang manager na si Leo Dominguez.

Isang assistant ni Leo ang nakausap namin sa telepono ngayong hapon subalit nagsabi ito na, “No comment po kami diyan sa isyu na ‘yan.”

Samantala, isang taong malapit naman kay Gloria ang nagpaabot sa PEP na “kaunting miscommunication” lamang daw ang nangyari sa pagitan ng mag-ina.

“Okay naman sila,” ayon pa rito.

Itinanggi rin niyang sumugod at nagwala si Gloria sa pictorial ni Isabelle.

“Ang totoo is bumisita siya [Gloria] doon. Noong nakita niya, she’s not comfortable sa suot ni Isabelle... Pero wala namang ano [pagwawala].

“Gano’n naman iyon, siyempre para sa ina, normal na maging concerned sa anak niya.”

Dagdag pa nito, patuloy na nagsu-shoot ang mag-ina ngayong araw para sa kanilang commercial at maayos naman daw ang pakitungo nila sa isa’t isa.

Sa ngayon ay sinisikap pa rin ng PEP na makuha ang panig ng men's magazine upang magbigay-linaw tungkol sa nasabing insidente.