Toni Gonzaga regrets that the conflict between half-sisters Ara Mina and Cristine Reyes has reached the court. But she hopes that the sisters will be able to settle things amicably.

Photo: Noel Orsal

Habang umeere sa unang bahagi ng The Buzz noong Linggo, April 22, ang VTR interview ni Boy Abunda kay Ara Mina tungkol sa alitan nila ng kapatid na si Cristine Reyes—na humantong na sa demandahan—seryoso naman itong pinapanood ni Toni Gonzaga. 

Bakas ang lungkot sa mukha ni Toni na tila hindi makapaniwala na may magkapatid na kailangang umabot pa sa korte ang alitan.

       

SIBLING CONFLICTS. Madaling maka-relate si Toni pagdating sa away-magkapatid dahil nangyayari rin daw iyon sa kanila ng younger sister niyang si Alex Gonzaga.  

      

“Maraming beses na kaming nag-away ng kapatid ko behind the camera,” pag-amin ni Toni nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) habang naghihintay ng susunod na sequence.

       

“Hindi pa kami artista, nag-aaway na kami—maliliit na bagay, malalaking bagay.

        

“Pero ngayon nga na malaki na kami, ‘tapos mature na rin kami, hindi na kami nagkakaroon ng heavy fights…

“Kasi mas mature na kami, so mas nagkakaintindihan na kami. 

“Kapag nag-usap kami, ano na, may maturity na.”

       

Sa tingin niya, tama ba na sa demandahan humantong ang alitan ng magkapatid na Ara at Cristine?

       

“Siyempre bilang magkapatid, nakakalungkot na makakita ng ganyang sitwasyon—na magkapatid mauuwi sa ganitong kaso. 

“But of course, who are we to judge them? Or who are we to say kung ano ang nararapat para sa kanila?

       

“Dahil siyempre, kanya-kanyang buhay naman ‘yan at kung paano nila gustong i-deal yung mga problema nila.

"So, bahala yun sa kanila.”

      

SIMILAR SITUATION. May naikuwento noon ang ina nina Toni at Alex na si Mommy Pinty nang minsang nag-away ang magkapatid.

Binigyan daw nito ng tig-isang kutsilyo ang magkapatid at sabay sabing, "O, magsaksakan na lang kayo!"

       

Pero sabi ni Toni tungkol sa insidenteng yun, “E, bata pa naman kasi kami no’n. 

“Di ba, kapag mga bata kayo talaga, parang gusto n’yo na talagang magpatayan na rin naman?” natawang sabi niya.

       

“Kasi nga, bata pa kayo. But as you mature, ayaw n’yo naman talagang magpatayan! Gusto n’yo na lang magsabunutan!

       

“Dati no’ng bata kami, no’ng grade school, ayan, sabunutan! 

“Pero ngayon malaki na kami, hindi na.”

       

Was there a time ba na nag-away sila dahil din sa pera?

      

“Hindi pera... dahil sa damit!

      

“Nanghihiram ako ng damit, ayaw niya akong pahiramin! Ginawa niya yung issue.

"Pero tapos na ‘yon.

      

“Damit lang naman ang kadalasang nagiging dahilan ng away namin. 

“Hindi na lumalaki pa sa gano’n... yun lang.”

        

GOING STRONG. Iba naman ang ngiti ni Toni nang ang sunod na mausisa ay ang smooth-sailing pa ring relasyon nila ng boyfriend niyang si Direk Paul Soriano.

      

“Okey na okey naman," sambit niya.

       

Wala pa rin ba ang pinakahihintay-hintay ng marami na magpaplano na silang pakasal?

       

“Wala pa… oo.

       

“Darating naman yun kung darating, e. Hindi naman minamadali.”

       

May nasabi si Direk Paul na pagdating daw ni Toni ng edad na 30 ay baka raw magpakasal na sila.

Ano ang reaksiyon dito ni Toni?

       

“Kaka-28 ko lang… two years pa!

       

“Hindi ko pa alam kung in two years na nga. 

“Siyempre kapag gano’n, hindi mo naman talaga alam, e. 

“Ang pag-aasawa naman daw, dumarating at hindi naman daw pinaplano ‘yan.

       

“So, tingnan na lang natin.”

       

Gugustuhin ba niyang maging pribado ang kasal nila o ibabahagi nila ito sa publiko at may TV coverage pa?

        

Ani Toni, “Hindi ko pa alam...

“Kapag na-engage na ako, saka ko malalaman kung ano ba talaga and direksiyong kapupuntahan.”