Gwen Garci admits breakup with her Italian boyfriend of four years and becoming a single mom to baby Naima.

Photo: Noel Orsal

Isa ang PEP.ph. (Philippine Entertainment Portal) sa ilang naimbitahan sa mini-presscon para sa dating Viva Hot Babe na si Gwen Garci sa opisina ng Viva Films, Tektite Towers, Ortigas, Pasig City kaninang hapon, April 24.

Hudyat ito ng muling pagbabalik-showbiz ni Gwen na nasa Pilipinas noon pang Abril ng nakaraang taon.

Nang bumalik si Gwen last year ay tumanggap daw siya ng trabaho sa labas ng bansa gaya ng pagmomodelo sa Singapore at naging cover pa raw siya ng isang magazine sa Dubai.

Ilang taon ding nawala ang sexy actress nang mabuntis at nakisama ng apat na taon sa Italyanong boyfriend na si Nicola Coccia.

Nagkaroon sila ng isang baby girl, si Naima, na magdadalawang taong gulang na.

Nagkakilala raw sila dito sa Pilipinas nang nakadestino pa si Nicola sa Shangri-La Hotel, Edsa.

Ayon kay Gwen, labis siyang nalungkot sa kanilang pagtira sa China noong malipat ang kanyang boyfriend sa Shangri-LaHotel, Beijing.

Mula sa magulo at masayang mundo ng showbiz, nanibago si Gwen sa tahimik at bagong papel na ginagampanan sa kinasamang si Nicola at bilang ina ni Naima.           .

“Kaya ako bumalik dito!” tumatawa niyang pahayag.

“Kasi nalungkot ako do’n, e. Sobrang nalungkot ako do’n."

Makulay at maintriga ang showbiz kaya nanibago ang sexy actress sa kanyang bagong mundong inikutan.

“'Tapos do’n, nag-iisa ka na lang. Wala kang kaibigan,” pag-alala pa niya.

Dumadalaw naman daw ang kanyang mommy sa kanya.

“Once a year… o kaya siyempre kahit papa'no malulungkot ka."

SEPARATION FROM HER DAUGHTER'S DAD. Inamin ni Gwen na hiwalay na sila ng ama ng kanyang anak kaya siya bumalik na rin ng Pilipinas, maliban pa sa talagang na-miss niya ang buhay-showbiz.