Jolina Magdangal (right) gets cooking advice from her mom as well as her mother-in-law. "Kailangan ko ang tulong ng mommy ni Mark [Escueta] (left) at ng mommy ko. Mothers know best, ‘di ba?" she says.

 
Photo: Monching Jaramillo

Hindi pa pala natutuloy ang honeymoon ng mag-asawang Mark Escueta at Jolina Magdangal-Escueta. Ikinasal ang dalawa noong November 2011.

 
 
Mas naging busy nga raw ang mag-asawa sa pag-house hunting. Gusto na rin daw nilang magkaroon ng sariling tahanan dahil sa bahay ng parents ni Mark sila nakatira.
 
 
Ayon kay Jolina nang makapanayam namin siya sa pictorial ng bago niyang show sa GMA News TV na Personalan nuong April 26 na pinaplano na rin daw nila ng kanyang mister ang pagkakaroon ng sariling bahay.
 
 
“Wala naman kaming problema sa house nila Mark. Okey kaming lahat doon. Sila Mark kasi, very close ang family nila sa isa’t isa.
 
 
"Pero siyempre naiisip din namin na kailangan na rin naming magkaroon ng sarili naming place.
 
 
“Bahay pa rin ‘yun ng parents niya and iba na rin yung may sarili kaming bahay, ‘di ba?
 
 
 “Kaya iyon ang pinagkakaabalahan namin. Naghahahanap kami ng lote or isang gawa nang bahay para maging bahay na namin,” ngiti pa ni Jolens.
 
 
BREAKFAST FOR MARK. Isang bagay nga raw na gustong gawin ni Jolina ay ang ipaghanda niya ng breakfast ang kanyang mister.
 
 
Hindi nga raw niya iyon nagagawa sa bahay ng parents ni Mark dahil ang mommy nito ang naghahanda ng agahan nila parati.
 
 
“Siyempre bilang misis, gusto ko na ako na ang mag-asikaso sa mister ko.
 
 
“Gusto ko na ako na ang nasa kusina tuwing umaga at ako ang nagpe-prepare ng breakfast niya.
 
 
“Tapos magkuwentuhan kami sa breakfast nook namin. Ano ang mangyayari for that day—mga gano’ng scenario na napapanood mo lang sa TV o sa pelikula.”
 
 
Gusto nga rin ni Jolina na mag-aral na magluto para mapaghanda naman daw niya si Mark ng iba’t ibang putahe.
 
 
“Isa yan sa mga gusto kong ma-achieve, ang magluto ng kung anu-ano.
 
 
“Kaya kailangan ko ang tulong ng mommy ni Mark at ng mommy ko. Mothers know best, ‘di ba?
 
 
“Sila ang makakapagsabi kung ano ang tamang way na magluto. Gusto kong matutunan lahat ‘yan habang kaming dalawa pa lang ni Mark,” diin niya.
 
 
Balita ngang ibebenta na raw ang malaking bahay nila Jolina sa Don Antonio Heights sa Quezon City. Sa Tagaytay na kasi nakatira ang parents ni Jolina dahil nandoon ang business nilang restaurant/boutique na Memory Lane.
 
 
Wala na raw kasing naiiwan sa bahay kundi ang mga kasambahay at ang isang kapatid ni Jolina.
 
 
Pero pinag-iisipan nga ni Jolina at ng asawa nitong si Mark na baka kunin na lang nila ang katabing lote ng bahay at doon na magpagawa ng bahay.
 
 
“Binili rin kasi namin ‘yung tabing lote para maging parking lot ng mga sasakyan. Since nasa Tagaytay na nga silang lahat, naisip nga nila mommy at daddy na ibenta na lang ang house.
 
 
“Pero pinag-uusapan pa lang naman namin lahat ‘yan. Walang pang final na desisyon kung ano ang gagawin sa bahay or sa lote kasi dapat buong pamilya kaming mag-usap.
 
 
“Kung ano ang mapagkasunduan, yun ang gagawin naming lahat.”
 
 
BABY PLANS. Tungkol naman sa pagbubuntis, sabi ni Jolens na hindi naman sila nagmamadali ni Marc. Kung darating ang baby, magpapasalamat sila.
 
 
“The more you try kasi, the more na hindi natutuloy, e. Kaya we are taking it slow but sure.
 
 
“Ayaw naming mag-try so hard masyado at baka hindi pa mangyari. Kung ano na lang ang dumating, pasasalamatan namin si Lord for the blessing.”
 
 
Natatawa nga si Jolina na kapag nagkikita raw sila ng mommy niya, panay ang tanong kung kelan na siya magkakaapo rito.
 
 
“Nakakatawa lang kasi ang usapan na namin ni mommy ngayon ay tungkol sa pagiging misis ko at ang pagiging nanay ko.
 
 
“Noon kasi kapag nag-usap kami ni mommy, tungkol sa kung anu-anong kakikayan, tungkol sa mga nali-link sa akin. Ngayon iba na talaga.
 
 
“Alam ko naman na kapag nagkaroon na kami ng baby ni Mark, spoiled yan sa mga lolo at lola nila.
 
 
“Pero tulad nang sinabi nga namin sa kanila, hindi namin ipipilit masyado. Kapag dumating, magpapasalamat kami agad-agad!” tawa pa niya.
 
 
HONEYMOON PLACES. Kung matuloy nga raw ang honeymoon nila Jolina at Mark, dalawang lugar lang naman daw ang gusto nilang puntahan.
 
 
“Una ang gusto namin ay pumunta sa Alaska because of the Northern Lights [or Aurora Borealis]. Gusto naming makita iyon talaga.
 
 
“Kaso may panahon na hindi siya nakikita at dapat tsambahan mo. Kung hindi sa Alaska, gusto naming mag-backpacking sa Europe.
 
 
“Yung sasakay lang kami ng train at mapuntahan namin lahat ng countries sa Europe.
 
 
“Magandang pagkakataon iyon na mas makilala pa namin ni Mark ang isa’t isa bilang lifetime partner.”
 
 
HOSTING DUTIES. Isa nga sa kinatutuwa ni Jolina ay ang kunin siyang bagong host ng Personalan kunsaan kasama niya si Jean Garcia sa GMA News TV.
 
 
Ang programa ay dating hinu-host ni Ali Sotto pero nag-resign ito sa show dahil kailangan nitong mangibang-bansa. May mga sinubukan ang show na iba’t ibang guest host at sina Jolina at Jean ang opisyal nilang napili.
 
 
“Magkaiba kami ng days ni Ate Jean pero we did one special episode na magkasama kaming dalawa.
 
 
“Sa totoo lang, ngayon ko lang talaga nakatrabaho si Ate Jean. Never ko pa siyang nakasama sa movie or any TV show in the past.
 
 
“Pero noong magsama kami sa Personalan, swak na swak ang energy namin at pareho kami kasing ma-chika. Kung anu-ano ang napagkuwentuhan namin.
 
 
“Kaya natuwa naman ako na kami ang napili kasi ibang show ito para sa aming dalawa. New experience ito para sa amin.”
 
 
Sa mga episodes nga na naitotoka kay Jolina, may pagkakataon na nakaka-relate siya sa problema ng kanyang mga guest. Minsan ay nadadala pa niya ito sa pag-uwi niya.
 
 
“Actually nakaka-drain pala ang ganitong klaseng show. Kasi naa-absorb mo ang anumang vibes na meron sila.
 
 
“Hindi mo mapigilan na maapektuhan ka rin. May isang episode nga na naiyak ako lalo na kapag ang topic ay tungkol sa pamilya, mga bagong kasal at tungkol sa mga bata.
 
 
“Hindi mo magawang hindi maapektuhan or ma-involve sa mga kuwento nila.
 
 
“Mga tunay na mga problema kasi ito at hindi ito shooting or taping ng isang series. Kaya marami akong natututunan sa mga taong ito.
 
 
“After each episode na i-tape namin, may nalalaman akong bago na puwede kong ma-apply sa buhay ko.
 
 
“Kaya thankful ako sa Personalan dahil iba ito para sa akin and excited ako na humarap pa sa maraming tao na nangangailangan ng guidance na maipo-provide ng show namin.”