Jean Garcia (in photo) has a new show on GMA News TV. She and Jolina Magdangal are the official hosts of Personalan. Hosting on different days, Jolina helps newlyweds and young couples adjust to a new life together while Jean assists old married couples reconcile or deal with the end of a relationship.

Photo: Noel Orsal

Hindi pala aware si Jean Garcia na nali-link na ang kanyang anak na si Jennica Garcia sa anak ng yumaong si Francis Magalona na si Frank Magalona.

 
Magkasama sila Jennica at Frank sa GMA-7 primetime series na My Beloved.
 
 
Ayon kay Jean ay matagal na silang hindi nakakapagkuwentuhan ni Jennica dahil parehong busy ang schedules nila. Hindi nga raw sila nag-aabot sa bahay dahil magkaiba ang mga oras nang pag-alis at pag-uwi nila sa bahay.
 
 
“Hanggang sa pag-text, tweet at Facebook na lang kami ng anak ko. Bagets na bagets, ‘di ba?” tawa pa ni Jean.
 
 
“Matagal na kaming walang mother-daughter talk since naging busy kami pareho. Jen is busy with My Beloved at ako naman meron akong Alice Bungisngis and Her Wonder Walis.
 
 
“Balita ngang parehong ma-e-extend ang shows namin kaya tuluy-tuloy lang ang taping namin.
 
 
“Tungkol nga diyan kay Frank, sige itatanong ko yan sa anak ko kapag nagkita kami sa bahay. Good luck kung magkita, ‘di ba?
 
 
“Kasi wala akong alam kasi nga hindi kami nagkakakuwentuhan ng anak ko. Si Jen naman magkukuwento ‘yan.
 
 
“Feeling ko naman, friends pa lang sila. Barkada siguro. Mga malisyoso lang kayo, ‘no!” sabay tawa ulit ni Jean.
 
 
Hindi pa nga raw nakikilala ni Jean si Frank Magalona.
 
 
“I haven’t met Frank yet, e. Hindi ko pa nakakasama sa trabaho yung bata.
 
 
“Siguro kapag nakausap ko na si Jen, makikilala ko na si Frank.”
 
 
Alam naman ni Jean na hindi nanliligaw si Frank kay Jennica dahil boyfriend nito si Alwyn Uytingco.
 
 
“May nagsabi na rin sa akin na madalas silang makita in public na magkasama.
 
 
“Okey lang yun, at least wala naman silang tinatago na anything.
 
 
“Everyone knows naman na si Jennica at si Alwyn pa.
 
 
“Yung palabas-labas nila, lakad barkada iyon. Kaya I have nothing to worry about. Huwag n’yo lang bigyan ng ibang kulay.
 
 
“Sa huling balita ko kay Jennica, sila pa rin naman ni Alwyn.”
 
 
NEW SHOW. Nabigyan nga ng bagong show si Jean bukod sa Alice Bungisngis ang Her Wonder Walis. Isa na siya sa opisyal na host ng Personalan sa GMA News TV. Kasama niya rito si Jolina Magdangal-Escueta.
 
 
Nag-pictorial ang dalawa last April 26 sa 12th floor ng GMA Network Center. Ayon kay Jean, first time silang magkakatrabaho ni Jolina.
 
 
“Never ko pa kasing nakasama si Jolina. Kahit sa movies, TV series, never pa kaming nag-work together. Ngayon pa lang talaga kaya natuwa ako.
 
 
“Though magkaiba kami ng mga araw sa Personalan, nag-shoot kami ng isang parang special episode.
 
 
"Naku tawanan lang kami nang tawanan. Para kaming mga dalaga na nagtsitsismisan!” tawa pa niya ulit.
 
 
SOLVING PROBLEMS. Magkakaiba nga ang mga kaso na itinotoka kina Jean at Jolina. Kaya madali para sa kanila ang maka-relate sa problema ng kanilang mga guest.
 
 
“Kay Jolens kasi, mga stories ng mga newlyweds, mga young love at ang mga problema na nagaganap. Sa akin naman yung mga stories ng mga mag-asawang naghihiwalay, may problema sa pamilya and how to deal with them.
 
 
“Nakaka-relate kaming dalawa ni Jolens sa mga topics namin kaya may mga opinion din kami sa mga kaso nila.
 
 
“Mahirap nga lang na masyado kang ma-involve kasi it affects you, e.
 
 
“May isang taping nga na parang may gusto na akong kampihan pero hindi puwede. Kailangan neutral ka. Wala kang papanigan.
 
 
“Mahirap din ang pumapagitna ka, pero you try your best to make things work para sa kanilang dalawa.
 
 
THE OTHER SIDE. “Kaya after taping, sobrang drained ka emotionally and physically.
 
 
“Tama pala yung sinasabi nila. Kailangan lang marunong kang i-control ang lahat. Hindi madali pero it’s good to know na meron kang mga taong napagsasama ulit.”
 
 
Tinanggap ni Jean ang Personalan dahil matagal na raw siyang hindi maghu-host. Puro pag-arte na lang sa TV at pelikula ang ginagawa niya. Para maiba lang daw sa mga ginagawa niya ngayon.
 
 
“Huli ko pa yatang pag-host ay noong GMA Supershow pa!” tawa niya.
 
 
“Nami-miss ko rin ang hosting kaya tama lang ang pagdating ng Personalan.
 
 
“May magawa lang ako na iba other than acting. Ibang side naman ito ni Jean Garcia.
 
 
“Hindi lang ako basta kontrabida sa mga TV series, kundi marunong din akong makinig sa mga problema ng maraming tao.”