Barbie Forteza says she will miss taping for the show, Reel Love Presents Tween Hearts: “One big family na nga kami sa Tween Hearts kaya gano’n na lang kami kalungkot noong sabihin na magtatapos na ito.”

Photo: Noel Orsal

Malungkot na binalita ni Barbie Forteza na malapit nang magtapos ang Reel Love Presents Tween Hearts. Hanggang sa buwan ng Mayo na lang daw sila at papalitan na raw sila ng ibang show.
 
 
One year and five months na nga raw silang nagsama-samang mga tweens sa naturang show. Para kay Barbie, sa Tween Hearts nagsimula ang lahat para sa kanilang mga tweens.
 
 
“Though may mga nagawa na kaming ibang shows ni Joshua [Dionisio] tulad ng First Time at Stairway To Heaven, sa Reel Love Presents Tween Hearts kami talaga nakilala nang husto ng maraming tao.
 
 
“Doon na nabuo ang love team namin ni Joshua na JoshBie. Tapos nagkaroon pa ng iba tulad ng KrisJoy [Kristoffer Martin and Joyce Ching] at JaBea [Jake Vargas and Bea Binene].
 
 
“Tapos naging close kaming lahat. Noong mag-start ang Tween Hearts, hindi pa kami masyadong magkakakilala except sina Jake at Bea, at yung iba mga baguhan like sila Kristoffer, Joyce, Derrick [Monasterio], Lexi [Fernandez], Louise [delos Reyes]. Sa mga tapings na lang kami naging close lahat.”
 
 
Noong sabihin nga sa kanila na naka-schedule na ang last taping day nila, nag-iyakan nga raw sila dahil bilang na raw ang mga araw na magsasama sila sa naturang show.
 
 
“Kasi naman, kapag taping na parang walang pressure. Kahit na ang director namin ay si Ms. Gina Alajar na alam namin na very strict, gusto niya na we act according sa edad namin.
 
 
“Kaya walang mabibigat na eksena masyado except na may konting drama.
 
 
“Pero sa kabuuan, masarap mag-tape for[the show] kasi nga bukod sa nagkikita-kita kami, parang barkada rin namin ang director namin.
 
 
“Mami-miss namin yung barkadahan namin.
 
 
“Kapag may isang concert na gusto naming lahat, sabay-sabay kaming pupunta. O kung may birthday ang isa, present kaming lahat.
 
 
“One big family na nga kami sa Tween Hearts kaya gano’n na lang kami kalungkot noong sabihin na magtatapos na ito.”
 
 
BARBIE'S NEW PARTNER. Ang pagtatapos kaya ng Tween Hearts ang dahilan kung bakit pinartner na sa iba si Barbie?
 
 
Si Elmo Magalona na ang bagong partner ni Barbie para sa bagong comedy series ng GMA-7 na Tweets For My Sweet.
 
 
Sa mga naging interviews nga ni Joshua ay obvious na masama ang loob nito dahil pinaghiwalay sila kaagad ni Barbie.
 
 
“Kahit naman ako, malungkot ako na hindi na muna kami magsasama ni Joshua.
 
 
“Okey naman ang teamup namin, e. Pero may ibang mga plano para sa amin at itong pag-teamup namin ni Elmo ay kasama roon.
 
 
“Wala namang problema sa akin kasi ilang beses ko na rin nakatrabaho si Elmo tulad sa Pilyang Kerubin at sa Tween Academy. Okey naman kaming dalawa.
 
 
“At ang alam ko, may gusto rin na i-partner kay Joshua na iba. Kaya hiwalay muna kami for a while as a love team.
 
 
“Alam ko na may ibang plano pa para sa JoshBie loveteam. Hindi naman kami totally na paghihiwalayin talaga,” diin ni Barbie.
 
 
Pakiusap nga ni Barbie sa mga fans nila Elmo Magalona at Julie Ann San Jose na huwag magalit sa kanya dahil hindi naman niya inaagaw si Elmo kay Julie Ann.
 
 
“Naku ang daming fans ng JuliElmo, ‘di ba? Kabilang ako sa mga ‘yon!” tawa pa ni Barbie.
 
 
“Huwag silang magalit sa akin kasi si Elmo ay kay Julie Ann pa rin. Dito lang kami sa Tweets For My Sweet magsasama.
 
 
“Suportahan pa rin nila si Elmo kahit ako ang partner niya sa show na ito. Who knows baka mag-guest bigla si Julie Ann sa show, ‘di ba?”
 
 
Pinangungunahan nga ni Marian Rivera ang comedy series na Tweets For My Sweet. Kasama rin sila Chef Boy Logro, Nova Villa, Roderick Paulate, Sheena Halili, at Mikey Bustos.