Nova Villa (in photo) on working with Marian Rivera on new comedy in GMA-7: “Yung tipo naman ni Marian, naihahambing ko siya sa tulad nila Nida Blanca at Maricel Soriano noong araw. Kahit na may strong personality siya, very sweet pa rin. Marunong makisama at mukhang ipagpagtatanggol ka kapag kinakailangan."

 
Photo: Rowee Gutierrez

Sobrang tuwa nga ni Ms. Nova Villa dahil muli siyang babalik sa paggawa ng comedy pagkatapos ng isang taon na gumagawa ng drama sa telebisyon.

 
Kabilang si Tita Nova sa comedy series ng GMA-7 na Tweets For My Sweet na pinagbibidahan ni Marian Rivera.
 
 
Since lumipat sa Kapuso network si Tita Nova, nabigyan siya ng mga dramatic roles na never daw niyang ginawa noong nasa bakuran pa siya ng ABS-CBN 2.
 
 
Naging pabor nga ito kay Tita Nova dahil na-challenge daw siya sa mga mabibigat na eksena sa mga series na kanyang ginawa tulad ng Nita Negrita, Futbolilits, at My Beloved.
 
 
“Nasabi ko nga before, dito lang ako sa Kapuso network nakaranas na mag-drama. Ginawa akong dramatic actress dito at hindi ko inakala na magagawa ko,” sabi ni Tita Nova sa press launch ng Tweets For My Sweet, April 26, sa 17th floor ng GMA Network Building.
 
 
“Tulad na lang sa Nita Negrita, sinagad ang pag-iyak ko roon at natuwa ako because I was able to work with Barbie [Forteza] na napagaling na bata.
 
 
“Ngayon magkasama na ulit kami [sa bagong show]. This time, hindi na siya negra at nakikita ko na ang magandang mukha niya.
 
 
“Gano’n din sa Futbolilits. Kahit na may konting comedy iyon, pinag-drama pa rin ako.
 
 
“Sa My Beloved naman, drama pa rin at doon ko na nakasama si Dingdong Dantes at si Marian Rivera na siyang bida dito sa Tweets For My Sweet.”
 
 
WORKING WITH MARIAN. Ayon kay Tita Nova, maayos ang pakikipagtrabaho niya with Marian kaya nagtataka siya kunsaan nanggagaling ang mga pintas dito.
 
 
“Maganda ang naging experience ko working with Marian and so far, wala akong nakikitang hindi maganda sa batang ito.
 
 
“Nakatrabaho ko na kasi si Marian before sa pelikulang Desperadas. Isa siya sa mga anak ko roon. Pero hindi naman kami nagkasama nang matagal kasi parang special guest lang ako roon.
 
 
“Before nga, may mga nagsabi na sa akin na may ganitong ugali si Marian. Pero sa pakikipagtrabaho ko sa kanya sa dalawang show, wala akong nakikitang hindi ko dapat magustuhan.
 
 
“Napakagalang na bata at okey siya sa ibang mga kasama namin sa set. Kaya iniisip ko na lang na baka may mga naiinggit lang sa batang ito.
 
 
“Lahat naman tayong mga artista ay dumadaan sa ganyan. Kapag sikat ka, pinipintasan ka. Kumbaga sa punong hitik sa bunga, binabato ‘yan.
 
 
“Sa tagal ko sa showbiz, naranasan ko nang makasama ang iba’t ibang mga artista. May mga mayayabang, may mga tahimik lang, may mga maiingay, may mga misteryoso... lahat na yata nakatrabaho ko na.
 
 
“Very flexible naman ako. Kaya kong makipagtrabaho sa kahit na sinong artista. Trabaho lang tayo.
 
 
“Yung tipo naman ni Marian, naihahambing ko siya sa tulad nila Nida Blanca at Maricel Soriano noong araw.
 
 
“Kahit na may strong personality siya, very sweet pa rin. Marunong makisama at mukhang ipagpagtatanggol ka kapag kinakailangan.
 
 
“Kaya masaya ako na makatrabaho siya kasi mas gusto ko pa siyang makilala bilang siya at hindi yung artista na Marian Rivera,” diin ni Tita Nova.
 
 
WITH RODERICK, TOO. Natupad nga ang wish ni Tita Nova na makatrabaho rin niya ulit sa isang show si Roderick Paulate.
 
 
Sa pelikula lang daw niya nakatrabaho si Roderick pero hindi raw madalas. Sa TV ay sa That’s My Doc pa lang sila nagkasama kaya sobrang saya niya na pareho silang nasa cast ng Tweets For My Sweet.
 
 
“Isa nga sa mga nasabi ko noon na gusto kong makasama ulit si Dick sa isang comedy show, ‘di ba? Aba, nagkatotoo at dito sa GMA-7 pa nangyari.
 
 
“Kami ni Dick, kapag nagkikita kami, para kaming matagal na hindi nagkikita. Yung miss na miss n’yo ang isa’t isa.
 
 
“The last time na nakatrabaho si Dick ay sa movie na Oh My Girl. Tapos sa TV nga ay sa That’s My Doc with Aga Muhlach noong 2008 pa.
 
 
“Kaya noong story conference nitong show, nagulat kami sa isa’t isa kasi magkasama na kami ulit sa wakas.
 
 
“Excited nga ako na makabatuhan ng linya si Dick dahil magaling ‘yan, e.
 
 
“Enjoy ako sa mga komedyanteng magaling mag-ad lib. Isa si Dick sa magaling sa ganyan at nadadala ka niya.”
 
 
Proud nga si Tita Nova sa mga narating na Roderick mula sa pagiging artista at ngayon ay isa na itong konsehal ng Quezon City.
 
 
“What’s good about Dick ay naiba na niya ang takbo ng career niya.
 
 
“From being this comedian sa TV at pelikula hanggang sa pagiging politician niya.
 
 
“Hindi madaling gawin, pero dahil maraming nagmamahal kay Dick, ayan ay nahalal siya bilang konsehal.
 
 
“Dasal ko na pagbutihan pa niya ang mga ginagawa niya. Pero huwag niyang kalimutan na una siyang minahal ng marami bilang Roderick Paulate na nagpapatawa ng maraming tao,” pagtapos pa ni Nova Villa.