Aminado ang kampo ni Ara Mina (right) na hindi talaga siya pinapayagan ng kanyang lawyer na magpa-interview sa kahit anumang media tungkol sa naging sigalot nila ng kapatid niyang si Cristine Reyes (left). Makailang beses nang sinubukang lambingin si Ara ng kahit kamustahang interview lamang ng Paparazzi Showbiz Exposed ng TV5, kaso mariing pakiusap ni Ara na huwag na muna dahil bawal pa, dahil nakasampa na ang kasong Grave Coercion at Libel sa piskalya laban sa kapatid.

Photo: Noel Orsal

Kahapon, May 4, sa tulong na rin ng Executive Producer ng Untold Stories Mula sa Face to Face na si Miss Nel Rodriguez-San Luis, ay napagbigyan ni Ara Mina ang Paparazzi Showbiz Exposed ng TV5 ng isang maikling panayam.

Guest kasi si Ara sa episode na "Sagrada Pamilya" na ipapalabas May 19, 10:30 a.m. sa Kapatid network.  

Ang role dito ni Ara ay isang misis na iniwan ng kanyang mister ng 14 taon para sumama sa ibang babae.

Kuwento pa niya, “After 14 years binalikan niya ako. Challenging for me talaga yung role kasi hindi ko alam kung paano haharapin ang lalaking nag-iwan sa akin.”

 

 KAMUSTA NA SI ARA? Ano naman ang  pakiramdam niya ngayong matatapos na ang kanyang sinuong na kalbaryo mula sa mga diumano’y masasakit na salita na pinadala through text ng kanyang kapatid na si Cristine Reyes?

Maiksing sagot niya, “Okay naman ako, back to work na.”

 

Mula nang pumutok ang kontrobersiya sa kanila ni Cristine, obserbasyon ng marami na lahat halos ay kumampi kay Ara. Kahit sa mga write-ups ay puro simpatiya sa kanya ang mga paksa. Ano kaya ang nararamdaman niya sa pagbuhos ng suporta sa kanya ng mga tao?

Tugon nito, "Siyempre nakakataba ng puso, e alam mo naman ako, totoo ang mga ipinapakita ko sa tao.”

 

MAYOR PATRICK MENESES. Isa rin sa naging witness ni Ara noong nagsampa siya ng kaso kay Cristine ay ang Bulacan, Bulacan Mayor na si Patrick Meneses.

Nabanggit din kasi sa mga diumano’y text ni Cristine kay Ara ang pangalan nito. Hanggang ngayon ay hindi pa nagpapa-interview si Mayor Meneses, pero nasa likod lang daw ito ni Ara at nakasuporta.

Ayaw naman niyang pag-usapan ang tungkol dito. Paliwanag ni Ara. “Ah, basta huwag na nating pag-usapan yung mga ano, yung mga taong hindi showbiz.”

CRISTINE REACHING OUT. Napabalita rin na diumanong gusto nang makipagbati ni Cristine sa ate niya.

Pero nang itanong ito ng Paparazzi kay Ara, ganito ang kanyang tungon, “Statement na lang, magpapadala na lamang ako ng statement, and then lumalabas naman lahat e, pero magpapadala na lang ako ng statement.”

Matapos ang panayam sa location taping ng Untold, nagpadala ng statement si Ara through text at na-ere din ito kahapon sa programang, Cristy Ferminute ng Radyo Singko 92.3 NewsFM at Aksyon TV.

Kinagabihan, lumabas na din dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang statement niya pati na ang sagot ng Viva Management na parehong may hawak sa karera ng magkapatid.

Sa huli, sa tanong kung handa na ba siyang makipagbati kay Cristine, tanging sagot lang ni Ara ay, “Hindi pa. Ayoko pang pag-usapan. Thank you, thank you.”

 

Bukas ang PEP sa anumang maging pahayag ni Cristine Reyes o ni Mayor Patrick Meneses sa nabanggit sa artikulong ito.