Is Rufa Mae Quinto returning to TV5? “Hudyat talaga no? E, alam mo, ako naman ay nanggaling din naman dito [TV5] so, before yung mga Ispup and everything. So okay lang naman if magbalik ako dito, di ba?"

Photo: Noel Orsal

Marami ang nagulat sa biglaang pag-alis ni Rufa Mae Quinto sa Showbiz Central.

Isa si Rufa Mae sa mga regular hosts ng show along with Pia Guanio, Raymond Gutierrez, John Sweet Lapus at Jennylyn Mercado.

Ang rason daw niya ay gusto niyang makapagpahinga sa pagtatrabaho tuwing araw ng Linggo dahil ilang taon na daw siyang palagiang nagtatrabaho sa araw na iyon. May mga balita naman, na-insecure daw si Rufa Mae sa kasamahang si Jennylyn pero pinabulaanan ito ni Peachy (palayaw ni Rufa) sa mga interviews niya noon.


WIL TIME. Noong Biyernes, May 4, naging guest co-host si Rufa Mae sa Wil time Bigtime ni Willie Revillame sa TV5. Pagkatapos ng show, nakapanayam ng Paparazzi Showbiz Exposed si Peachy at ang masaya niyang bungad sa TV crew, “Feeling bigtime na bigtime.”

Pangarap rin kaya niyang mag-host ng mga game shows katulad ng Wil Time?

Pag-amin nito, “Yup, yup…I love hosting kasi, I love to be with people. Di ba ang saya, tsikahan, kuwentuhan. Live pa, mabilis, alive and kicking.”

Ano naman kaya ang napag-usapan nila ni Kuya Will? Balita kasing kukuning guest co-hosts si Rufa Mae sa show ng mga ilang araw. Totoo kaya ito?

Sagot niya, “Oo nga e, yun na nga ang plano, update ko na lang kayo.”

Ito din kaya ang hudyat na lilipat-babalik siya sa TV5?

Natatawang tugon ni Peachy, “Hudyat talaga no? E, alam mo, ako naman ay nanggaling din naman dito [TV5] so, before yung mga Ispup and everything.

"So okay lang naman if magbalik ako dito, di ba? And of course, hindi ko pa alam kung ano talaga ang plano ni Boss Vic [del Rosario, manager niya] kaya, I’ll let you know.”

Balita ding madalas daw nakikita si Rufa Mae sa bakuran ng ABS-CBN, isa rin kaya ang Dos sa opsyon niyang lipatan?

Pagtanggi nito, “Hindi meron din akong ano dun, yun nga yung Guillermo [Mendoza Awards night hosted by Rufa Mae and Iza Calzado] di ba... and excited din naman akong makasama si Iza. [Yung] Guillermo, ini-air siya sa ABS.

"Ganun ganun na lang muna, here, there, everywhere,” sabi ni Rufa Mae.

Masaya kaya ang maging freelance artist?

“Masaya, kasi ano e. And of course, I cannot be freelance forever, so ini-enjoy ko lang muna to. So I’ll let you know kung saan talaga," sabi ni Rufa Mae.