Ayon sa eyewitness na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ang away sa pagitan nina Raymart Santiago at Mon Tulfo ay nag-ugat sa pagrereklamo raw ni Claudine Barretto sa airport.

Photo: Screen grab from GMA-7

Nagkaroon ng kaguluhan kaninang tanghali, May 6, sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sangkot sa eskandalo ang columnist/TV host na si Mon Tulfo at ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto.
    

Isang eyewitness ang nagkuwento sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nakita niyang nagwawala si Claudine Barretto sa counter ng NAIA 3 dahil nawawala ang bagahe nila ni Raymart.

Galing ang mag-asawa mula sa Boracay, at nagmula naman sa Davao City si Tulfo.
   

Ayon sa eyewitness, nakita ni Raymart na kinukunan ni Mon ng video sa pamamagitan ng cellphone camera ang pagwawala ni Claudine.

Ito raw ang pinagsimulan ng gulo.

Sa panayam ng dzMM kay Tulfo, sinabi nitong awang-awa siya sa ground steward na tinalakan daw ni Claudine.

Sa hiwalay na interview naman ng dzIQ kay Tulfo, sinabi nitong pilit daw na kinukuha ni Raymart at ng mga kasama nito ang kanyang cellphone. 

Nauwi ito sa palitan ng mga suntok.

Namula raw ang mga mata at namaga ang mukha ni Tulfo dahil sa mga suntok na tinanggap niya mula sa kanyang mga attacker.
   

Nagtungo ang magkabilang panig sa Investigation and Intelligence Division ng Airport Police Station para sa kanilang mga statement at complaint.
    

Mapapanood ngayong hapon sa Showbiz Central ang exclusive interviews kay Mon at sa mag-asawang Claudine at Raymart tungkol sa insidente na kanilang kinasasangkutan.

Ipinakita ni Claudine sa Showbiz Central ang pasa niya sa binti dahil natadyakan daw siya ni Mon habang nakikipagsuntukan kay Raymart at sa mga kasama nito.

Samantala, pinadalhan na rin ng PEP ng text message ang manager ni Claudine na si Shirley Kuan para makakuha ng pahayag mula sa mag-asawa.