“Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi nasaktan ang aking ego. In fact, dapat nung itinulak ko si Raymart Santiago dahil kinukuha niya yung aking cell phone, matapos kong makunan ng still photos yung eksena na pinagagalitan ni Claudine yung counter girl, dapat pagkatapos no’n ay tumakbo ako na parang duwag. Sa akin ay nagpapaka-macho pa ako dahil akala ko… wala naman akong dapat katakutan dahil wala naman akong ginawang masama,” says Mon Tulfo.

Photo: Screen grab from TV5

Pagkatapos na pagkatapos makausap nina Mel Tiangco at Mike Enriquez sa 24 Oras si Raymart Santiago at ang abugado nila ni Claudine Barretto na si Atty. Alex Avisado, si Mon Tulfo naman ang kanilang nakapanayam.

Huling-huli sa kamera ang pagkagulat ni Mike nang makita niya si Mon na may pasa sa ibabang bahagi ng kanyang kanang mata. Kaya naman kinumusta ng GMA-7 anchor kung nakapagpatingin na ba si Mon sa doktor at kung ano ang sabi nito sa kanya.

Sagot ni Mon, “On the surface, okay na ako.

“Pero magsasagawa pa rin sila ng malalimang examination dahil kakaopera… mga several months ago, inoperahan ‘tong mata ko...”

FIRST TO HIT? Pagkatapos nito ay binalikan na ni Mike ang totoong isyu.

Ayon kina Raymart at Claudine at isang babaeng testigo, si Mon daw ang unang sumuntok o sumipa sa mag-asawa kaya nagkagulo-gulo na.

Ano ang reaksiyon niya rito?

“Alam mo, Mike, wala akong dahilan na sipain o sumipa dahil, unang-una, hindi ko sila kakilala.

“Pangalawa, hindi naman nila ako kalaban.

“Pangatlo, nagmamadali akong lumabas ng terminal building dahil yung aking sasakyan ay nakaabang na sa akin sa labas.

“At [pang-apat], gutom na gutom na ako.

“I had a light breakfast at Davao City. At ang biyahe ro’n, bago airport, isa’t kalahating oras—one hour and 25 minutes.

“Matagal-tagal din ‘yan bago mag-tanghalian kaya nung damating ako sa NAIA 3, gutom na gutom ako kaya nagmamadali ako.

“Kaya lang, what caught my attention was yung panggagalaiti ng isang babae… hindi ko siya kilala, e,” pagtukoy ni Mon kay Claudine.

“Yung panggagalaiti ng isang babae dun sa counter ng Cebu Paciifc, yung Complaints Counter.”