Alden Richards is among the cast of The Road who will atttend the red-carpet premiere of their movie in Hollywood.

Photo: Ruel J. Mendoza

Muntik nang ma-late sa kanyang 10 p.m. PAL flight to Los Angeles ang Kapuso young actor na si Alden Richards kagabi, May 8.

Isa si Alden sa cast ng pelikulang The Road ng GMA Films na dadalo sa red-carpet premiere ng Yam Laranas movie na ito sa Mann Chinese Theatre sa Los Angeles, California.

Paliwanag ng young actor, galing pa siya sa taping ng drama series na My Beloved sa Pulilan, Bulacan.

Noong ma-pack-up na siya, nagmadali nang hinatid si Alden sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.

“Grabe nga po ang traffic sa NLEX!

“Akala ko nga po hindi na ako makakaabot kasi late na rin akong na-pack-up.

“Pero sa awa ng Diyos, nakaabot ako. Kahit na one and a half hour na lang before boarding,” nakangiting kuwento ni Alden nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) bago siya nag-check-in.

FIRST TRIP ABROAD. Ito ang first trip abroad ni Alden.

Dahil dito, nagpapasalamat ang Kapuso star na isa siya sa masuwerteng nakasama sa entourage ng The Road.

One week lang daw si Alden sa Los Angeles dahil kailangan niyang makabalik agad dahil sa taping ng My Beloved, at sa workshop niya para sa launching ng team-up nila ni Louise delos Reyes sa primetime, ang My One True Love.

Kaya susulitin daw ni Alden ang isang linggong bakasyon niya doon.

“Since nandoon na, puntahan ko na ang mga dapat mapuntahan sa L.A.

“May mga scheduled kaming pupuntahan na places para mas masaya na magkakasama kami.

“First time ko sa U.S. kaya ayokong mawala doon!” tawa pa ni Alden.

Makakasama ni Alden sa red-carpet premiere ng The Road sa L.A. ang co-stars niya na sina Rhian Ramos, Derrick Monasterio, at Marvin Agustin.