Umaasa si Judy Ann Santos na sa huli ay mauwi rin sa pagkakaayos ang gulong kinasasangkutan ng kaibigang si Claudine Barretto sa ngayon. Hiling niya para sa kaibigan, "Sana maayos ng wala nang masaktan. Sana pagdating ng panahon, maayos ng magandang usapan."

Photo: Noel Orsal

Kasalukuyang nagbabakasyon sa Singapore ang aktres na si Judy Ann Santos at ang kanyang buong pamilya.

Ito na bale ang pinaghalong birthday (May 11, mismo ang kanyang ika-34th  na kaarawan) at Mother’s Day celebration ni Juday kasama ang asawa na si Ryan Agoncillo, mga anak nilang sina Yohan at Lucho, inang si Mommy Carol, at mga magulang ni Ryan.

Una nang naikuwento ni Juday sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang plano nilang bakasyon sa panayam sa kanya noong Miyerkules, Mayo 9, sa event ng Absolute Distilled Water sa M Café sa Greenbelt, Makati.

Ayon kay Juday, isang bagay na excited siyang gawin sa Singapore ay ang “kumain."

Dagdag niya, "Mahilig talaga akong kumain, e.

“Iyon talaga ako kapag nasa ibang bansa, walang diyeta-diyeta, walang ano.

"Wala akong sinusunod na kung ano man kasi time ko na iyon, di ba?

“Pambihira naman kung…ide-deprive ko pa ba iyong sarili ko sa pagkain, e, binayaran ko na iyong ticket?

“E, di bibili na rin ako ng masasarap na pagkain habang tutal buong buhay ko naman sa Pilipinas naka-diyeta na 'ko.

“So iyon lang, iyon na iyong pinaka-reward naming dalawang mag-asawa sa sarili namin kapag lumalabas kami ng bansa—kumain nang bonggang-bongga at parang walang katapusan.”

ON DAIANA MENEZES. Masayang-masaya kung titingnan si Juday noong araw na iyon at halos walang maibatong intriga sa kanya ang mga reporters—maliban sa isa na may kinalaman sa Brazilian TV personality na si Daiana Menezes.

Naging isyu noon na pinagseselosan daw ni Judy Ann si Daiana dahil sa pagiging malapit nito sa asawang si Ryan Agoncillo.

Co-hosts noon ng programang Eat Bulaga! sina Daiana at Ryan.

Nitong nakaraang Abril ay inanunsiyo ng Brazilian TV personality ang kanyang pag-alis sa naturang programa.

(CLICK HERE to read related article.)