Helen Gamboa (left) narrates how she and niece Sharon Cuneta (right) made peace: “Nung nag-text siya sa akin, sabi niya, 'Mama, bati na tayo. Mama, wag ka nang magtampo, wag ka nang magalit.' ... So sabi ko naman, sumagot ako, 'Anak, mahal na mahal kita.'"

Photo: Noel Orsal


Ekslusibong nagpaunlak ng panayam si Helen Gamboa-Sotto sa Paparazzi Showbiz Exposed matapos maayos ang tampuhan nila ng pamangkin na si Sharon Cuneta.

Sa unang pagkakataon ay ibinihos ni Helen ang kanyang emosyon sa nangyaring sigalot sa kanila ng kanyang pamangkin nang dahil sa pulitika. Madamdamin ang naturang interview ni Cristy Fermin sa segment na Caught By Cristy dahil halos kalahati ng interview ay iyak nang iyak ang asawa ni Senator Tito Sotto.



Una munang inusisa ni Cristy ang tungkol sa kanyang busilak pa ring ganda na hindi pinagbabago ng panahon. Masayang tugon ni Helen, “Unang-una ang Panginoon na isinasapuso naman natin yon, laging nasa ating puso. Pangalawa, siguro yung pagmamahalan sa pamilya. Yung sinasabi nating love, peace and harmony.”



THE RIFT. Sunod na tanong ni Cristy ang tungkol sa kontrobersiyang kinaharap nila ng pamangkin nitong si Sharon Cuneta. Paano nga ba niya naharap ang nasabing isyu?



Lahad ni Mrs. Sotto, “Hindi ko makuhang magalit. Siguro yung sa akin, tampo, sama ng loob kasi nasaktan ako.

"Nung sumagot siya na medyo wala na sa kumpas, siyempre nasaktan ako. Umiyak ako nang umiyak pero inintindi ko na lang, inintindi ko na lang na sumama rin ang loob niya.”



Magkapatid sina Helen at ina ni Sharon na si Elaine. May karamdaman na si Mommy Elaine pero kapag dumadalaw daw si Helen dito ay never niyang nabanggit na may tampuhan sila ng pamangkin, na labis daw na ikinatuwa ng Megastar.



Paliwanag ni Helen, “Sa palagay ko, hindi dapat. Kasi yung ate ko may sakit na. Gusto ko pag pumupunta kami dun, masaya siya so bakit namin siya dadalhan ng problemang ganito? Ano bang kinalaman niya dito?"



Kapag magkasama na sila at nagkikita ng kapatid, ano kaya ang nararamdaman niya?



Kuwento nito na halos maiiyak na, “Unang-una, umiiyak ako kasi it pains me to see her in that condition na nasa wheelchair, hindi makalakad, siyempre nalulungkot ako.

"Hindi ako sanay. Hindi ako sanay na ganon, kasi masaya siyang tao pero what can we do?”



Kuwento pa ni Helen, lagi daw siyang umiiyak kapag maiisip ang tampuhan nila ng pamangkin.



Dugtong pa niya, “Naku, heaven knows, hanggang sa taping [ng Walang Hanggan.] Nakikita ako nila Richard [Gomez], umiiyak ako. Nakikita ako nila Dawn [Zulueta] kasi nga kumbaga, napakalungkot ko, na-hurt ako dahil yung mahal na mahal ko, e, nakasamaan ko ng loob."



RECONCILIATION. Nauna nang naiulat na nagkabati na nga ang magtiyahin through text. Kinumpirma ito ni Sharon sa isang panayam sa kanya sa grand finals night ng Talentadong Pinoy. Paano nga ba lumambot ang puso niya sa pakikipagbati ng pamangkin?



Lahad ni Helen habang umiiyak, “Nung nag-text siya sa akin, sabi niya, 'Mama, bati na tayo. Mama, wag ka nang magtampo, wag ka nang magalit.'



“Hindi ko namang makuhang magalit sa kanya. Tampo lang yung sa akin kasi nga yung nananaig, yung pagmamahal ko. So sabi ko naman, sumagot ako, 'Anak, mahal na mahal kita.'



“Alam ng Diyos yon pero sana magkausap tayo, sabi kong ganon. Kaya ako, Cristy, masayang-masaya ako dahil tinext niya ako.



“Masayang-masaya ako dahil naliwanagan siguro siya. Binati niya ako.



“Kaya ako lumuluha, out of happiness na hindi siya tuluyang nawala sa akin. Yung ganon.Yun lang ang masasabi ko.”



Gaano siya kasaya sa pakiramdam niya ngayon na okay na ulit ang relasyon nilang magtiyahin?



Sagot niya kay Cristy, “Siyempre, kaya ako lumuluha ng ganito because of that, kasi kilang-kilala ko si Sharon. Simula nang ipinanganak yan, minahal ko na yan.



“In fact, sabi ko talaga sa ate ko at uulit-ulitin ko, 'Ate, kung ibibigay mo lang sa akin si Sharon, hindi na ako mag-aasawa.'

"Sabi ko sa kanya. 'Sige na Ate, ibigay mo na siya sa akin kasi masyadong mahal na mahal ko siya talaga.'



“Sabi ko hindi na talaga ako mag-aasawa at talagang wala na akong balak, Cristy, noon.

"Kaya nung nangyari ito, naku, talagang sasabog ang dibdib ko talaga. Siyempre, ang nagfa-flashback sa akin yung maliit siya.”



So wala na nga ba kahit kaunting tampo pang naiwan sa puso niya?



Sagot niya, “Wala na, kasi si Sharon, she has a way na maalis yung sama ng loob ko.

"Ano niya ako, e, kilalang-kilala niya ako, kayang-kaya niya ako. Kayang-kaya niya ako talaga.”



HELEN'S MESSAGE TO SHARON. Sa huli, nagpaabot naman ng mensahe si Helen sa pamangkin.

Aniya, “Siyempre, ang sasabihin ko sa kanya, 'Anak, kung anuman itong nangyaring sigalot na alam ko na for the past two years ay medyo napabayaan mo rin, na parang nakalimutan mo na puntahan ako o kausapin ako.



“'Yung dalawang taon na yon, masakit na masakit sa akin dahil di kita nakita, di kita nakausap, pero wala na yon, kasi nandiyan ka na ulit.



“'Inaantay ko na lang na magkita tayong dalawa. Basta’t alam ko, alam mo 'yon, maski hindi ako magsalita, alam mo kung gaano kita kamahal from the start.

"'From the day you were born hanggang ngayon, anak, hindi magbabago yung pagtingin ko sa iyo, lalo na ina ka na rin.



“'Alam mo yung gusto kong sabihin dahil ikaw rin bilang isang ina, ganun din kaimportante sa iyo ang mga anak mo, yung pagmamahal, yung pag-aaruga, yung pag-iintindi sa kanila.

"'Wag mong kakalimutan yon. Hanggang sa mamatay ako, mahal na mahal kita, Sharon. Happy Mother’s Day. I love you!'"