Mayor Herbert Bautista (left) welcomes guests Ogie Alcasid and Senator Bong Revilla (center, right), to Bistekwood, his movie theme party (inset) at the Isla Ballroom of the Edsa Shangri-La Hotel. Herbert has also expressed support for Quezon City Councilman Roderick Paulate who has been in the news for allegedly employing “ghost employees.”

Photo: Melo Balingit

Isang movie theme party ang pagdaraos ni Mayor Herbert Bautista ng kanyang 44th birthday kagabi, May 12, sa Isla Ballroom ng Edsa Shangri-La Hotel.

Habang pinagsasaluhan ng mga bisita ang masaganang handa ay ipinapalabas naman ang ilang eksena sa mga pelikulang nagawa ng actor-turned-politicial sa isang bahagi ng bulwagan.

Kasama siyempre ang kanyang pamilya at mga kamag-anak. Dumalo rin ang mga  kaibigan ni Bistek, o Mayor Herbert mula sa politics at show business.

Ilan sa mga personalidad na namataan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ay sina Mother Lily Monteverde, mag-asawang Tirso Cruz at Lyn Ynchausti, mga co-stars niya sa Bagets na sina Eula Valdez, William Martinez, Cheska Iñigo at Ramon Christopher. Naro’n din ang mga aktres na sina Iza Calzado at Empress na kapwa nakasama ni Herbert sa ilang proyekto.

Nakisaya rin ang ilang mga kaibigan ni Herbert na singers na nagpaunlak ng awitin gaya nina Claire dela Fuente, Erik Santos, Ogie Alcasid at Randy Santiago na hindi nakaiwas sa pagtatanong ng mga movie press tungkol sa isyu ng kanyang kapatid na si Raymart Santiago at asawang Claudine Barretto laban sa broadcaster na si Mon Tulfo.

Mula naman sa pulitika ay dumalo ang dating mayor ng Quezon City na si Sonny Belmonte, ang dating Pangulong Joseph Estrada, Senator Bong Revilla, at konsehal ng siyudad na nasasakupan ni Herbert na si Roderick Paulate na laman din ng mga balita ngayon dahil umano sa pagkakaroon niya ng pinapasuweldong “ghost employees.”

Nang tanungin si Herbert tungkol sa isyung kinasasangkutan ni Roderick ay sinabi nitong nasa likod lang siya ng nasabing konsehal. Kailangan daw niyang makita kung totoo ang mga ebidensiya bago maniwala. Hindi rin daw siya naniniwala na magagawa ni Roderick ang ibinibintang dito.

Nang maharap naman si Roderick sa entertainment press ay nailing ito sa pagsabing, nalalapit na raw kasi ang eleksiyon kaya malamang ay pasimuno raw ito ng kanyang mga kalaban para matanggalan siya ng interes para tumakbo uli sa susunod na eleksiyon.

Handa umano si Roderick na harapin ang ibinibintang sa kanya para malinis niya ang kanyang pangalan at balak niyang tumakbo ulit.

Nang matanong naman si Mayor Herbert kung magbabalik-pelikula ba siya, o gagawa ng proyekto sa telebisyon, umiwas ito ng pagsagot.

Sasagutin na lamang daw niya ang tanong kapag sigurado na siyang magkakaroon ng panahon para umarte ulit.

Masaya  rin daw si Herbert para sa kanyang anak na si Harvey Bautista na pinasok na rin ang pag-arte dahil kasama ito sa pambatang programang, Goin’ Bulilit.