Raymart Santiago on why his wife Claudine Barretto (main photo) need not apologize to Mrs. Rosario Ilagan's (inset, left) daughter: "Nagalit naman si Claudine doon sa situwasyon, sa pangyayari. Hindi naman direkta sa anak niya. Hindi naman ibig sabihin na pinagmumura yung anak niya. Gusto ko lang i-clarify 'yon. Walang murahan na nangyari. Oo aaminin namin, nagalit si Claudine doon sa situwasyon. Doon sa pangyayari. Sa bag, sa Cebu Pacific, pero hindi diretso sa anak niya ang galit ni Claudine."

Photo: Screen capture from

Muntik nang hindi matuloy kaninang umaga ang exclusive interview ni Anthony Taberna sa Umagang Kay Ganda kay Mrs. Rosario Ilagan, ina ng isa sa dalawang Cebu Pacific ground crew na diumano'y nakaranas ng "verbal abuse" mula kay Claudine Barretto sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport) Terminal 3, nung May 6, Linggo.

Humantong sa mainit nang pinag-uusapan ngayon na kaguluhan sa pagitan ng beteranong kolumnista na si Mon Tulfo at ng grupo nina Claudine at asawa nitong si Raymart Santiago ang diumano'y "verbal abuse" ng aktres sa ground crew nung araw rin na iyon.

Ayon kay Mrs. Ilagan, ayaw na siyang payagan ng kanyang anak na magpainterbyu pero nakapangako na raw siya sa staff ng nasabing pang-umagang programa kaya kailangang tuparin niya ito.

Gusto ni Mrs. Ilagan na magbigay ng public apology si Claudine sa kanyang anak kaya ito ang topic na pinag-usapan kanina sa "Punto Por Punto," ang segment ni Anthony sa morning program ng ABS-CBN.

Sa kuwento ni Mrs. Ilagan, nagtapos ng BS Tourism-HRM (Hotel and Restaurant Management) ang kanyang anak na pitong buwan nang nagtatrabaho bilang ground crew ng Cebu Pacific.

Ayaw na raw ni Kristine na magsalita pa siya tungkol sa NAIA 3 incident. Nagdesisyon na rin ang kanyang anak na manahimik.

Ayon kay Mrs. Ilagan, "Ayaw niya ng magulo. Ayaw na niya magsalita. Sa totoo lang, ayaw na niya ako papuntahin dito [sa Umagang Kay Ganda ].

“Nalaman [niya] kanina na pupunta ako, talagang ayaw niya, kaya lang nakipagkasundo ako kagabi na pumayag ako.”


ASKING FOR PUBLIC APOLOGY FROM CLAUDINE. Sunod na tanong ni Anthony ay kung kailangan bang magbigay si Claudine ng public apology sa kanyang anak.

Sagot ni Mrs. Ilagan, "Sana, kung kakayanin niya [Claudine].

"Bilang artista, kaya niya 'yon."

Tanong ni Anthony, "Hinahanggan ba niya si Claudine?"

Sagot muli ni Mrs. Ilagan, "Hindi naman. Matagal na 'yon dahil hindi nga nakakapag-TV, dahil marami akong trabaho." 

WITH RAYMART SANTIAGO. Ang sumunod ay ang pag-uusap nina Mrs. Ilagan at Anthony hanggang sa kasama na ang asawa ni Claudine na si Raymart na nasa telepono.


Anthony: "Noong nangyari po yung insidente noong Sunday, ikinuwento ba sa inyo agad ang pangyayari?"
 

Mrs. Ilagan: "Noong  nakapanood kami ng TV, saka siya tumawag. Ang una lang text niya, manood kami ng TV dahil may konting gulo sa NAIA. Yun lang, bago pa namin nalaman sa kanya [ang mga nangyari]."

Bumaling naman si Anthony kay Raymart na isa-isang sinagot ang mga katanungan ng UKG host.