Napuno ng tawanan ang launch ni Karylle bilang endorser ng isang jewelry brand noong nakaraang linggo. Panay kasi ang biro ng singer-actress na handa itong tumanggap ng engagement ring basta’t hindi ito “malas” at may malaking bato gaya na lamang ng suot niyang singsing sa larawang ito.

Photo: Noel Orsal

Napuno ng tawanan ang ginanap na launch ng singer-actress na si Karylle bilang endorser ng Miladay Jewels noong Mayo 10, Huwebes, sa Patio Carlito Restaurant sa Quezon City.

Nagpahiwatig kasi ang It’s Showtime host tungkol sa gusto niyang matanggap na engagement ring mula sa kanyang kasintahan.

“Meron sila actually sinasabi na singing na hindi suwerte.

“Kasi, di ba, they say that a ring is supposed to be round like a perfect circle? So 'pag may putol ‘yon...

“Kaya ayoko ng gano’ng ring. Gusto ko ganito lang, o. Simple,” patungkol sa suot niyang hugis-puso na singsing noong gabing iyon.

“Of course, gusto ko suwerte. 'Tapos ito meron pang heart, o, 'tapos may diamonds.”

Ayon kay Karylle, isang karelasyon niya raw noon ang nagbigay sa kanya ng “malas” na singsing.

Naging biruan tuloy sa presscon na ang singsing na iyon ang naging dahilan kung bakit hindi nagtagal ang relasyon ng dalaga.

YAEL YUZON. Sa ngayon, napapabalitang idine-date umano ng panganay ni Zsa Zsa Padilla ang bokalista ng bandang Spongecola na si Yael Yuzon.

Binigyan na rin ba siya ng singsing ni Yael?

“Wala, wala. Mag-ipon muna siya.

"Kailangan one-time big time na lang ‘yon!” biro ng dalaga.

Pero kung sakali, handa ba siyang tanggapin ang singsing na ibibigay sa kanya ni Yael?

“Kung ganito, [patungkol pa rin sa singsing na suot niya] I’m always ready!” muling pagbibiro ni Karylle na muling nagpatawa sa mga bisita.

“Okay, ‘pag may lalakeng nagbigay sa’yo ng ganyan, magdadalawang-isip ka pa ba?” balik-tanong niya sa mga showbiz reporters.