Jillian Ward's adult-like advice to children aspiring to be in show business: “At huwag po silang tumigil mangarap kasi po ‘pag nawalan po tayo ng pag-asa, lalo pong hindi matutupad ang wish natin.”

Photo: Melo Balingit

Magkakasama sa Luna Blanca ang dalawa sa pinakasikat na child actresses ng Kapuso network na sina Jillian Ward at Mona Louise Rey.

Si Jillian ay sumikat sa Trudis Liit at Daldalita, samantalang si Mona Louise naman ay nakilala sa Munting Heredera.

Ipapalabas ang Luna Blanca simula May 21 sa GMA Primetime block.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jillian sa presscon ng Luna Blanca noong Martes, May 15, kinumusta ang child wonder kung ano ang kanyang masasabi na magkasama sila ni Mona Louise sa Luna Blanca?

TWO CHILD STARS. First time ba ito na nagsama sila sa isang project?

“Okay naman po, masaya po ako,” umpisang pahayag ni Jillian.

“Nagkasama po kami una noon sa show ko po na Jillian: Namamasko Po!. Isa po siya sa Santa [Claus's] helper.”

Nag-bonding na raw sila ng kanyang kapwa child star.

“Minsan po ‘pag break time sa taping, nagpe-play po kami ng iPad ko,” banggit ni Jillian.

Sa Luna Blanca, directed by Dominic Zapata, unang henerasyon sina Jillian at Mona Louise.

Sumunod sa kanila ay sina Barbie Forteza at Bea Binene. Ang mga bida sa pangatlong henerasyon sa kuwento ay sina Heart Evangelista at Bianca King.


BACK TO WORK. Ikinatuwa naman ni Jillian na may show na siya ulit dahil halos apat na buwan siyang walang regular show at puro guestings lamang sa mga Kapuso shows.

Hindi ba siya nainip na medyo matagal siyang walang regular show?

“Masayang-masaya po ako kasi four months po akong walang show, ‘tapos ngayon po meron na ulit.

“Pero sa four months na yun, nag-enjoy naman din po ako kasi lagi po akong pinapasyal ni Mama, ‘tapos nagpupunta po ako palagi sa school at nagtu-tutor," sabi niya.

Sa pasukan, kahit may show siya ay mag-aaral pa rin si Jillian, na isang incoming Grade 1 student.