“Na-realize ko din na, number one, siguro kung yung mga Pilipino na umaalis, kung nako-compensate ng suweldo nila dito yung basic needs nila, siguro hindi sila aalis ng Philippines… Siguro kung marami lang na trabaho na puwedeng io-offer ang Philippines, siguro wala nang Pilipino na aalis sa bansa natin,” Jodi Sta. Maria reflects on the plight of overseas Filipino workers.

Photo: Noel B. Orsal

Kaugnay ng bagong pelikula ni Jodi Sta. Maria na Migrante (The Filipino Diaspora), nagkaroon ng press conference ang Migrante International sa headquarters nito sa Cubao kahapon, Mayo 16, para ipaalam ang estado ng imbestigasyon sa “mysterious death” ng OFW (Overseas Filipino Worker) na si Terril Atienza.

THE TRAGEDY OF TERRIL. Si Terril, 34, ay nagtrabaho bilang yaya sa Singapore noong January 2010, matapos mag-apply sa pamamagitan ng isang lokal na employment agency.

Sa Singapore, ang sister agency ng ahensiyang nag-recruit sa kanya sa Pilipinas ang namahala kay Terril. Pero matapos ang isa’t kalahating taon ng pagtatrabaho, nagpasya itong umuwi sa Pilipinas.

Hindi naman pumayag ang ahensiyang may hawak sa kanya sa Singapore dahil hindi pa raw tapos ang dalawang taong kontrata ni Terril.

Sa halip na pauwiin, ipinadala si Terril sa Mongolia noong June 2011, kunsaan naging amo nito ang isang diumano’y consul ng Austria.

Anak din daw ng dating prime minister ng Mongolia ang bagong amo ni Terril.

Sa ilalim ng bagong amo, naging masaklap na buhay ni Terril—hindi siya pinapalabas ng bahay, hindi pinapagamit ng cell phone, laptop, at kahit telepono man lang.

At ang mas masaklap pa, hindi siya pinapasuweldo.

Nobyembre 2011, nag-email ang amo ni Terril sa ahensiya sa Singapore at sinabing nasa morge na ang bangkay nito.

“Severe intoxication from an unknown source” ang ibinigay na dahilan ng kamatayan ni Terril base sa inisyal na autopsy na ginawa sa Mongolia.

Pero nang dumating ang labi ni Terril sa Pilipinas noong Disyembre, laking gulat ng pamilya nito nang makitang maraming galos, paso, at pasa ito sa katawan.

Nang ipa-autopsy naman ng pamilya ni Terril ang bangkay nito sa NBI (National Bureau of Investigation), napag-alamang nawawala ang puso nito at iba pang lamanloob, at pinasakan pa ng mga basahan ang mga bahaging wala nang laman.

Iba rin ang cause of death na inilabas ng NBI: “Probably secondary to hypertensive cardiovascular disease due to a stabbing incident.”

Humingi ng tulong ang pamilya ni Terril sa DFA (Department of Foreign Affairs), POEA (Philippine Overseas Employment Administration), at OWWA (Overseas Workers Welfare Administration), ngunit nananatiling nakabitin ang kaso sa iba’t ibang kadahilanan—tulad ng hindi pagkakarehistro ng pag-alis ni Terril sa records ng mga nabanggit na government agencies at paghihintay sa final autopsy report na manggagaling sa Mongolia.

Naghain na ng kasong administratibo sa POEA ang pamilya ni Terril, laban sa lokal na ahensiyang nagpaalis kay Terril at sa sister company nito sa Singapore na siyang nagpadala kay Terril sa Mongolia.