Chynna Ortaleza describes her relationship with Railey Valeroso: “Kasi kaming dalawa ang belief namin is, ‘O sige everyday kung masaya tayo sa isa’t-isa, di bongga!' Tapos kung may konting problema try solusyunan, huwag muna yung, ‘O, break na tayo!’ Huwag yung ganyan. Parang tinanggal na namin sa vocabulary namin yung hiwalay.”

Photo: Melo Balingit

Natawa si Chynna Ortaleza nang banggitin sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na parang Click reunion ang pagsasama nila ni Karen delos Reyes sa Luna Blanca.

Parehong mainstay bilang teen stars ng youth-oriented show na Click ng GMA sina Chynna at Karen maraming taon na ang nakakalipas.

“Oo,” sabay-tawa ni Chynna, “Oo, Click at magkasama kami lagi sa eksena dito [sa Luna Blanca]. Si Wenggay [Karen’s character] at si Mimi [Chynna’s character] pa kami nung time ng Click.

“E, hello, nag-merge nga e, yung isa naman taga-Gmik di ba?

“Tapos si Heart taga-Berks,” at muling tumawa si Chynna.

Mainstay naman noon sa Gmik na isa ring teen show si Camille Prats na gumaganap na Rowena sa Luna Blanca, at si Heart Evangelista naman na gumaganap na Blanca sa show ay mainstay ng Berks noon na isa ring teen program.

Sila naman raw ni Karen, after ng Click ay nagkasama na sa Sugo na show ng GMA dati.

ON RAILEY VALEROSO. Tinanong naman ng PEP si Chynna kung ano na ang nangyari sa sana ay comeback sa showbiz ng boyfriend niyang si Railey Valeroso? Cast member rin noon ng Click si Railey at kapareha ni Angel Locsin; si Chynna ay ka-love team noon ni Richard Gutierrez. 

“Parang ano di ba nag–Bench [Uncut: The Bench Denim and Underwear Fashion Show in 2010] siya, pero hindi naman kasi natutuloy [yung comeback] so sabi niya, ‘Alam mo, hindi ko na muna pipilitin, mag-i-school na ako ulit.’

“Sabi ko, oo kasi kung para sa iyo, kung ka-comeback ka, ka-comeback ka pa e, e hindi naman.”

Matatapos na raw sa pag-aaral si Railey sa Asia Pacific College.

“One year na lang magga-graduate na siya ng college.

“Oh at least! Business management kasi di ba may business na siya, yung nagpu-provide siya ng mga uniforms doon sa mga cadets ng PNPA.”

Puwede na silang magpakasal…

“Ay,” ang tanging naging reaksyon ni Chynna.