Derrick Monasterio on his half-brothers: “Siguro pagbalik ko sa States, baka magkaroon na ng chance na makita at makilala ko na sila. Tatlo sila—puro boys. Eighteen ‘yong eldest sa kanila. Sa pictures, nakita ko na sila. Mas guwapo sila kesa sa akin!”

Photo: Noel Orsal

Kagaya ng kanyang inaasahan, naging masaya at memorabale para kay Derrick Monasterio ang recent trip niya sa Amerika. 

Bukod kasi sa pagkakataon na maranasan kung paano maglakad sa red-carpet premiere doon ng pelikulang The Road ng GMA Films, kung saan isa siya sa cast, naging daan din ito para muli silang magkasama ng kanyang amang doon nakabase.

Pitong taon daw silang hindi nagkita ng ama.

Kuwento ni Derrick sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Super saya. Pinaka-best trip ko po siya so far.       

“Siyempre, yakapan nang mahigpit. ‘Tapos nagkuwentuhan kami tungkol sa kung ano na ang nangyari sa akin at sa career ko.

“’Tapos sabi niya, magpakabait daw ako. Alagaan ko raw ang nanay ko.”

Ang ina ni Derrick ay ang dating aktres na si Tina Monasterio.

Nagkita rin ba sila ng kanyang mga kapatid niya sa ama?

“Hindi… malayo po kasi sila sa L.A.,” pagtukoy ng young actor sa lokasyon kung saan ginanap ang red-carpet premiere ang The Road.

“Siguro pagbalik ko sa States, baka magkaroon na ng chance na makita at makilala ko na sila.

“Tatlo sila—puro boys. Eighteen ‘yong eldest sa kanila. 

“Sa pictures, nakita ko na sila. Mas guwapo sila kesa sa akin!” sabay tawa niya.

Tipong artistahin din daw ang mga kapatid niya sa ama. Paano kung gustuhin ng mga ito na mag-showbiz din?

“E, di sige. Go!” tawa ulit ni Derrick.

Balak daw bumalik ulit ng binata sa Amerika. Nabitin daw kasi siya sa isang araw lang na ipinagsama nila ng kanyang ama.