Kathryn Bernardo on Daniel Padilla's plan to court her: "Bata pa ako, 16 pa lang ako..."

Photo: Melo Balingit

Ikinagulat ng marami ang naging pahayag ni Daniel Padilla noong Sabado, May 19, sa  Showbiz Inside Report na seryoso ang nararamdaman niya para sa kaparehang si Kathryn Bernardo at handa siyang pakasalan ito.

   

Consistent noon pa man si Daniel sa pagsasabi ng special feelings niya para sa young actress.

Liligawan raw niya si Kathryn pagkatapos ng serye nilang Princess and I para maipakita na ang mga sinasabi niya ay 'di lamang para sa promo ng pinagtatambalang soap.

    

WIFE MATERIAL? Napangiti si Kathryn nang banggitin sa kanya ang sinabi ni Daniel.

“Sabi? Talaga? Let’s see after 20 years. Bata pa ako, 16 pa lang ako," ang nasambit ng dalaga sa panayam sa kanya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong May 20, sa backstage ng ASAP.

Sa pagpapatuloy ni Kathryn, "Yung pagpapakasal siguro, joke lang ni DJ [tawag niya kay Daniel] yun kasi mahilig yung mag-joke, pero ‘di yun totoo."

  

Wife material daw kasi ang tingin sa kanya ni Daniel?

“A wife material? Siguro kasi nakikita nila na para akong mommy din sa set na parating nagsasabi na bawal magpalipas ng pagkain.

“Lahat naman sila very caring naman ako, ‘Oy, ‘wag nga kayong ganyan. Oy ganito ‘yan.’ Ayoko namang nagbi-BI [bad influence] din kasi ang aking mga kasama."

Pero wala pa raw sa isip ng 16-year-old actress ang pag-ibig.

   

Aniya, “Pero sa akin kasi, I think dapat manligaw ‘pag nasa legal age na. So ako naman open ako sa panliligaw, pero bata pa ako, e. 

“’Di ko masasabing nanlilligaw sa DJ. Siguro lang kino-consider niya lang ako na very special friend.

“And napi-feel ko naman na very caring siya, gentleman. Siyempre ‘pag babae ka, napa-flatter ako kasi may ibang nagke-care sa akin na tao bukod sa family and friends ko, ‘di ba.”

DANIEL'S CHANCES. May pag-asa ba sa kanya ang young actor kung ipu-pursue nito ang balak na panliligaw sa kanya?

   

“Kung sincere namang manligaw, kahit sino may pag-asa."

  

May pahayag dati si Kathryn na ayaw niya sa isang lalakeng babaero. Ano ang masasabi niya sa tingin ng ilan na mukhang "playboy" daw si Daniel?

“Siguro naman lahat ng babae, ayaw namang bolahin at maging babaero yung boyfriend nila o nanliligaw sa kanila.

“Para sa akin siyempre, ayoko naman talaga. Yung kay Daniel, siguro yung dating lang niya, yung karakter niya," ang pahayag ni Kathryn.

“Pero ‘pag nakilala ninyo siya in person kung ano talaga ang character niya, ibang-iba sa akala ninyong mayabang na maangas na playboy.

ENVY OF GIRLS. Sa estado ng kanyang career, marami siyempre ang humhanga sa kanya at gustong maging katulad siya.

   

Ang komento ni Kathryn, “Siguro nakakatuwa kasi sa akin naibigay yung… kasi sa role ko, marami ang naa-ano kasi tatlo-tatlong boys nga raw [ang katambal], so ganyan.

“Happy ako kasi ako yung nasa shoes na yun."