“Actually, kung kilala mo yung tao, kung nagtitiwala ka sa tao, kahit sino pa yung lalaking kasama niya, di ba?” says Zanjoe Marudo about the trust he has for girlfriend Bea Alonzo.

Zanjoe denies rumors that he and Bea has already broken up.

Photo: Noel B. Orsal

Para sa Kapamilya hunk actor na si Zanjoe Marudo, ang current girlfriend ngayong si Bea Alonzo ang natatanging hiyas ng buhay niya at puso.

Maituturing niya rin daw na pampagana ang kasintahan.

“Simula nang makilala ko si Bea, maalagang tao.

“Parang hiyas namin, hindi mabubuhay yung tribu kung mawawala yung hiyas. Nalulungkot sila, naghihirap sila, nagugutom sila.

“Ako rin ganun siguro, malulungkot ako, magugutom ako, wala akong ganang kumain kung mawawala sa akin si Bea. Kumbaga, mawawalan ako ng gana,” sabi ni Zanjoe.

Ang tinutukoy ni Zanjoe na hiyas o gem ng tribu ay may kinalaman sa bagong panghapong teleserye ng ABS-CBN na pinagbibidahan nila ni Megan Young, ang Precious Hearts Romances Presents Hiyas, na mapapanood na sa Kapamilya Gold simula sa Lunes, May 28.

Nagkaroon ito ng presscon kahapon, May 22, sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound kung saan nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Zanjoe.

Tanong pa kay Zanjoe, paano naman niya iniingatan si Bea bilang isang hiyas para hindi na ito mawala sa kanya?

“Ipa-padlock ko,” biro niya. “Siyempre aalagaan mong mabuti. Mamahalin mo para hindi mawala sa iyo, di ba? Bibigyan mo ng importansiya, irerespeto mo.

“Ibigay mo kung ano yung mga nararapat para hindi siya mawala sa iyo.

“Parang nangyari sa tribu namin, hindi iningatan ang hiyas, nawala, kaya nagkaproblema.

“Ganun lang,” patuloy ni Zanjoe.

Kung ikukumpara niya sa isang hiyas si Bea, ano ito?

“Wala, kasi nag-iisa lang siya. Wala siyang katulad.

“Ayokong ikinu-compare siya sa iba. Siya ang natatanging hiyas ko,” matalinhaga pang sabi ng binatang aktor na tubong-Batangas.