Helen Gamboa filed a case violating the Batas Pambansa 22 or the Bouncing Checks Law against a couple who allegedly swindled from her P8 million worth of jewelry. This was after the couple issued her a bouncing check amounting to P4.5 million.

Photo: Noel Orsal

Nahuli ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa mga umano’y nang-swindle sa Walang Hanggan star na si Helen Gamboa walong taon na ang nakararaan.

Si Anchit Lim Santiago, 40, ay nadakip kahapon, Mayo 23, sa tahanan ng kanyang ina sa 30-A Zobel Street, BF Homes, Parañaque City.

Ayon sa ulat ni Zhander Cayabyab ng dzMM ngayong araw, Mayo 24, hindi na naabutan ng NBI ang asawa ni Anchit na diumano'y kasabwat nito sa kanyang panloloko.

Ayon sa NBI, ang modus diumano ng mag-asawa ay kakaibiganin muna ang alam nilang nagmamay-ari ng mga mamahaling alahas, at saka magpapakita ng interes na bilhin ang mga iyon.

Matapos ang negosasyon ay mag-i-issue ang mga ito ng bouncing check, at saka magtatago.

Mga alahas na nagkakahalaga ng P8 milyon ang diumano'y na-swindle ni Santiago mula kay Helen.

Naging biktima rin diumano ng mag-asawa ang celebrity stylist na si Erick Pebenito na nakuhanan naman ng P7 milyon halaga ng mga alahas.

Sinampahan na ni Helen ng kasong paglabag sa Batas Pambansa 22 o Bouncing Checks Law ang mag-asawa sa Quezon City Metropolitan Trial Court.

Nananatili sa kustodiya ng NBI si Anchit para sa pagharap nito sa korte, habang pinaghahahanap pa rin ang kanyang kakuntsabang mister.