How did the pregnancy rumors start? Sheena Halili says she was spotted eating green mangoes and bagoong on the set of her sitcom and people simply jumped to conclusions. Another possibility is she is often mistaken for her namesake, Katrina Halili, who's now pregnant.

Photo: Noel Orsal

Mariing pinabulaanan ng Kapuso actress na si Sheena Halili na nagdadalang-tao siya sa kanyang live guest appearance sa showbiz talk show ng GMA-7, ang Startalk TX, kahapon, June 2, 2012.

Nitong mga nakaraang araw kasi ay lumabas sa mga pahayagan ang balita tungkol sa diumano’y pagbubuntis ni Sheena. At ang itinuturo umanong ama ng baby ay ang rumored boyfriend nitong si Rocco Nacino.

Kaya naman binigyang-linaw na ito ng aktres sa Startalk nang interbyuhin siya ng mga host na sina Joey de Leon at Lolit Solis.

Nagbiro pa nga si Sheena habang naglalakad papalapit kina Joey at Lolit. Tinanggal niya ang high heels niya at naglakad nang naka-paa dahil aniya, masama raw sa buntis ang nakamataas na takong.

Pagkaupo ni Sheena ay agad siyang tinanong ni Joey kung buntis nga ba siya?

“Hindi po, hindi po, hindi, hindi,” paulit-ulit na tanggi ni Sheena.

Komento naman ni Lolit, “Palagay ko naman hindi siya buntis dahil ganyan nga kaganda ang katawan.”

Biro naman ni Joey, “Ang totoo po mga kaibigan, kapapanganak lang ni Sheena.”

Bagay na tinawanan na lang ni Sheena.

MISTAKEN FOR  KATRINA. Bakit nga ba kumalat ang buntis isyu na ito?

“Hindi ko rin po alam. Basta tinanong ako ng Artist Center about sa isyu na ito Wednesday [May 30].

"Nuong Tuesday [May 29] kasi, galing ako sa taping ng Tweets [for my Sweet] ang bagong GMA-7 sitcom.

“Sa taping, kumain lang ako ng mangga at saka bagoong. So, pag kumain ng mangga, baka ganun na yun. Baka naisipan akong ganun [buntis].”

Sa kaugaliang Pinoy kasi ay mahilig daw sa pagkain ng mangga at bagoong ang mga babaeng buntis.

Sapantaha naman ni Joey baka nagkalituhan lang sa pagitan ni Sheena at ng isa pang Kapuso actress na si Katrina Halili, na totoong buntis ngayon.