Nag-react ang talent manager na si Annabelle Rama sa pahayag ng entertainment columnist at TV host na si Cristy Fermin tungkol sa pag-alis ni Ruffa Gutierrez sa showbiz talk show ng TV5 na Paparazzi.
Si Annabelle ang ina at tumatayong manager ni Ruffa.
Matatandaan na nag-quit si Ruffa sa Paparazzi pagkatapos ng birthday celebration niya sa show noong Sabado, June 23.
Ayon sa actress-TV host, “binastos” siya sa programa dahil sa mga tanong sa kanya ng mga co-host niya sa “Bulong ng Palad” segment.
(CLICK HERE to read related story.)
Rason naman ni Cristy sa late-night entertainment show ng TV5 na Juicy!, kung saan isa rin siya sa mga host, na-brief si Ruffa sa mangyayari sa naturang segment.
Dagdag pa ni Cristy, wala raw kabastusan sa kanilang ginawa.
(CLICK HERE to read related story.)
"HINDI ALAM NI RUFFA." Kaagad namang ipinagtanggol ni Annabelle ang anak si Ruffa sa naging pahayag ni Cristy.
Sa report ng ABS-CBN, sinabi ng talent manager na bagamat sinabihan si Ruffa tungkol sa segment na iyon, hindi raw nito alam ang mga katanungan ay “puro kabastusan.”
Saad ni Annabelle, "Nabasa ko yung sulat ni Cristy Fermin na alam daw ni Ruffa. Hindi alam ni Ruffa.
“Alam ni Ruffa may bulung-bulungan, pero hindi niya akalain ganoong questions.
“Na-shock siya na ang mga tanong puro kabastusan."
ROUND TWO? Binalaan din ni Annabelle si Cristy na manahimik na lamang kung ayaw nitong magkaroon ng “Part 2” ang kanilang naging alitan noon.
Matatandaang sinampahan ni Annabelle si Cristy ng kasong libel dahil sa isang artikulo na isinulat ng huli tungkol sa talent manager at asawa nitong si Eddie Gutierrez noong 1995 sa isang tabloid.
Noong 2008 ay pinagtibay ng Supreme Court ang naunang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court at Court of Appeals na "guilty" ang beteranang entertainment columnist at radio-TV host.
(CLICK HERE to read related story.)
Mensahe ni Annabelle sa Paparazzi host: "Kaya Cristy, tumahimik ka na muna diyan kasi ayoko mag-part two tayo sa ating laban. Wala kang alam, ‘Day.
"Ikaw, isa ka rin sa bumulong, ha. Meron akong tape sa bahay, pero hindi kita dinadamay, kasi ang bumulong talaga ng malaswa, yung isang bading na kasama mo.”
Ang tinutukoy ni Annabelle ay ang co-host nina Ruffa at Cristy na si Mr. Fu.
Sa naturang segment ng Paparazzi ay may tanong ang bawat co-host ni Ruffa at ang sagot ay pipiliin niya sa tatlong nakarelasyon niya noon—sina Aga Muhlach, Zoren Legaspi, at Robin Padilla.
Ang tanong sa kanya ni Mr. Fu ay kung sino sa tatlo “ang may pinakamalaking…”
Hindi narinig ang karugtong ng tanong dahil ibinulong lang ito ni Mr. Fu kay Ruffa.
Pagkatapos ng show at pagkaalis niya sa studio ay nag-post ng magkakasunod na mensahe sa Twitter, kung saan ibinuhos niya ang kanyang sama ng loob sa Paparazzi.
Sa nasabing social networking site din inanunsiyo ni Ruffa na magku-quit na siya sa show.
Kinumpirma rin ito ng ina niyang si Annabelle.
"Wala, hindi na siya babalik doon," sabi nito.
Nilinaw naman ni Annabelle na sa Paparazzi lang aalis si Ruffa, at hindi sa mismong TV5.
Bagamat wala raw silang planong maghain ng pormal na reklamo laban sa show at mga host nito, sinabi ni Annabelle na kakausapin muna niya ang management ng Kapatid network.
Nauna na rito, sinabi na ng TV5 executive na si Perci Intalan na paiimbestigahan nila ang insidenteng nangyari sa Paparazzi at saka sila gagawa ng hakbang.
(CLICK HERE to read related story.)
