Dalawa ang ginagawang shows ngayon ni Lorna Tolentino sa TV5—ang weekly horror-suspense-sci-fi series na Third Eye at ang reality artista search na Artista Academy. Sabi niya tungkol dito, “Ang sarap ng dalawa ang shows pero hindi ganung ka-pressured. Kasi every Saturday and Sunday lang ako mapapanood."

Photo: Noel Orsal

Natutuwa si Lorna Tolentino dahil kahit dalawa ang proyektong ginagawa niya sa TV5 ngayon ay hindi naman siya nape-pressure sa oras para gawin ang mga ito.

Kasama siya sa cast ng bagong weekly horror-suspense-sci-fi series na Third Eye, na mapapanood tuwing Linggo ng gabi simula sa July 29.

Kabilang din siya sa mga hurado ng pinakamalaking reality artista search ng Kapatid Network, ang Artista Academy, na magpa-pilot episode na sa July 30 pagkatapos ng Wil Time Bigtime.

Sabi ni LT, palayaw ng aktres, “Ang sarap ng dalawa ang shows pero hindi ganung ka-pressured. Kasi every Saturday and Sunday lang ako mapapanood.

“Kasi Monday to Friday, yung Artista Academy, lahat sila; pag Saturday lang kaming mga judge. Pag Sunday naman yung Third Eye.

“So, once a week lang din ang taping namin. So wala, walang pressure.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lorna sa grand launch ng TV5 sa kanilang mga bagong primetime shows na ginanap sa Elements Centris sa Quezon City, kagabi, July 17.

THIRD EYE. Kung tutuusin, host dapat ng Third Eye si LT. Pero may ginawa raw ang TV5 para hindi maging conventional ang ginagawa niyang pagsasalaysay.

“Ang Third Eye, bale ang talagang pinaka-main [characters] dito ay yung mga bata.

“Ang role ko ay parang naghu-host, pero iniba nila.

“Instead yung merong naghu-host, involved yung character dun sa episode. Kumbaga, kasama ako sa eksena, nasa gitna ng eksena.

“At ang huli ay parang yung conclusion ko kasi ako yung sumusulat, e, journalist ako, may publishing house.

“Ako yung sumusulat, ako yung nagna-narrate ng nangyayari sa lahat.

“Instead of narrating it, parang mas maganda yung idea na you are involved, and sila yung humihingi ng advise sa iyo and sila na yung bahalang kumikilos.”

Ang Star Factor grand winner na si Eula Caballero ang ibinabando ng TV5 bilang bida ng Third Eye.