Muling humarap si Presidente Noynoy Aquino sa sambayanang Pilipino para sa taunang State of the Nation Address o SONA. Dito ay ibinida niya ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng tatlong taong panunungkulan niya, at ang mga gagawin pa sa nalalabing apat na taon ng kanyang termino.

Photo: Noel Orsal

Tumutok ang maraming Pinoy mula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-sais ng gabi kanina, July 23, para sa ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Gaya ng nakagawian na, inihayag ni PNoy ang kanyang SONA sa Session Hall ng House of Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon City.

Binantayan ang bawat pahayag ng Pangulo tungkol sa mga nagawa na ng kanyang administrasyon sa loob ng unang tatlong taong panunungkulan, at ang mga gagawin pa sa nalalabing apat na taon ng kanyang termino, sa larangan ng kalusugan, edukasyon at ekonomiya, agrikultura, at imprastraktura.

Hindi rin kinalimutan ng Pangulo ang isyu ng pakikipaglaban para sa mga teritoryo sa West Philippine Sea at ang patuloy na paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre.

Pagkatapos ng SONA ni Pangulong Aquino ay sari-saring opinyon ang lumabas sa social networking sites, lalo na sa Twitter.

Naging trending topic pa nga ang mga katagang “Responsible Parenthood,” na ayon sa ABS-CBN broadcast journalist na si Lynda Jumilla ay tumutukoy sa isa sa mga pinakamainit na isyu ngayon—ang Reproductive Health Bill.

Ang buong tweet ni Lynda Jumilla: “Palace source: ‘responsible parenthood’ as mentioned by pnoy in#SONA2012, is malacañang's preferred term for RH bill.”

Marami ang natuwa sa SONA ng Pangulo na naging “magaan” daw dahil sa pagbibiro nito at sa mga mensaheng puno ng pag-asa, tulad ng linyang: “Ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.”

Gayunpaman, hindi pa rin maiiwasan ang mga bumabatikos at pumupuna sa mga kakulangan diumano ng SONA, tulad ng hindi pagbanggit ng Pangulo sa Freedom of Information Bill.

Sa kabuuan, naging positibo ang mensahe ng SONA, na nagpabatid sa publiko na posible ang mga pagbabagong ipinangako ng Presidente.

Narito ang kabuuang State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino:

"Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat.

"Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong mga boss, magandang hapon po.

"Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.

"Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo, 'Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.' Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.