"Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran sa mas nakakarami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na kabahayang benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Tinarget [target] natin itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng dalawang taon. Pebrero pa lang po ng taong ito, naiparehistro na ang ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8 milyong bahay; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan natin.
"Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga inang regular nang nagpapacheck-up. 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea, polio, tigdas at iba pa. Four point fifty-seven million na estudyanteng hindi na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan.
KALUSUGAN. "Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu’t dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth. Ang masaklap, hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga totoong nangangailangan ng kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa politiko. Ngayon po, 85 percent ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito. Ang ibig pong sabihin, 23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth mula nang bigyan tayo ng mandato.
"Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na pinakamahirap na kabahayang tinukoy ng National Household Targeting System, buong-buo at walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. Dahil po sa No Balance Billing policy ng Department of Health, ang lunas para sa dengue, pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan.
"Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka sa alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card. Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilabas ni isang kusing.
"Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin, apat sa sampung Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional sa tanang buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat sampung Pilipino ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health professional. Anuman ang ating pagbatayan, hindi po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong hindi naaabot ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po natin ito. Mula sa sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang mga nurse at midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community Health Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan ng mga doktor at nurse sa komunidad.
"At kung dati tutungo lamang ang mga nurse kung saan makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung saan sila kailangan, doon sila ipinapadala: sa mga lugar na matagal nang naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga health professional sa 1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at sa 609 na pinakamahihirap na lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission.
"Dalawang problema po ang natutugunan nito: bukod sa nagkakatrabaho at nabibigyan ng work experience ang libu-libong nurse at midwife na dati ay walang mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging abot-kamay din ang dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.
"Subalit hindi pa po tayo makukuntento rito, dahil ang hangad natin: kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi sa loob mismo ng kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at checkup ang kailangan upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang pagsisikap nating iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.
"Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue noong nakaraang taon. Alam naman po ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa pagsisiyasat. Maaga pa para sabihing siguradong-sigurado na tayo, pero nakaka-engganyo po ang mga paunang resulta nitong programang ito.
"Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar kung saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap noong 2011: mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent raw po ang reduction po ito. Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010, naging apat na lang noong 2011.
"Panimulang pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa lang, marapat na yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at Secretary Mario Montejo ng DOST, Wala naman tayong masyadong umento, [palakpak ninyo na lang] para naman ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.
"Marami pa po tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa ring maternal mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga hakbang upang tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan. Nais din nating makamit ang Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na kagamitan, pasilidad, at tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.
"Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin Tax Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
EDUKASYON. "Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa paaralan? Sa lilim ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa rin kaya sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?




CALLED OUT
ALL COMMENTS
30 BrunoEsmeralda
29 zorro_T
28 mrpogiako
27 humandynamics
26 pinasbuzzer
25 ipur
24 TheGMA07
23 halabira
22 rom_05
21 kanguzoGMA7
20 kanguzoGMA7
19 semsem
18 jasmyn
17 abscbn_14344
16 iam_brainful
15 jakar
14 msTrue
13 Monicafer
12 lostris
11 jakar
more comments