"Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may pagbabago nang haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa gobyerno, tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro. Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi ipagdadamot sa kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.
"Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat dito: may mga pensyonado tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano kaya niya ito pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang atin pong tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na buwanang pensyon ng ating old-age and disability pensioners. Masaya tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.
"Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na po sa pribadong sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay kayong na-promote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.
"Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon, ang good news natin sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives. Dati, miski palpak ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa rin ang pinakamababang rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor na bigyan ng makatarungang rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga mahusay magtrabaho; nawawalan sila ng dahilan para galingan dahil parehas lang naman ang insentibo ng mga tamad at pursigido.
"Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin upang tugunan ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan ang bonus ay nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para sa taon. Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang insentibo, maaaring umabot ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa pagpapakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na Christmas bonus na matatanggap mo.
"Ginagawa natin ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa at ipakita ang pagtitiwala natin sa ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para ito sa Pilipinong umaasa sa tapat at mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan, at umaasang sila at sila lamang ang itinuturing na boss ng kanilang pamahalaan.
"Alam po niyo, sa simula pa lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa sinasabi nating, 'Kung walang corrupt, walang mahirap.' Hanggang ngayon mayroon pa rin pong mangilan-ngilang nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot, 'Siyempre.'
"Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang 'Wild West' ang pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa ang risko dahil sa di tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga gamit ang kanan, kokotongan ka naman na gamit ang kaliwa.
"Ngayon, dahil patas na ang laban, at may hayag at hindi pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa sa ating ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng trabaho; patuloy ang positibong siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo, at pagdami ng mamamayang naeempleyo.
"Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa sistema. Dahil maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng bayan. Bawat pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada, piso para sa bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso para sa ating kinabukasan.
"Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali, itinatayo ang mga ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang takbo ng produkto, serbisyo, at mamamayan.
"Dahil maayos ang pamamahala sa agrikultura, tumataas ang produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang presyo nito. Stable ang pasahod, at mas malakas ang pambansang ekonomiya.
"Tunay nga po: Ang matatag at malakas na ekonomiyang pinanday ng mabuting pamamahala ang pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na kinakaharap ng daigdig. Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa pag-unlad, at ngayon, tayo na lang mismo ang makakapigil sa ating sariling pag-angat.
"Ginawa po natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng bawat bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang kani-kanilang problema’t pagsubok.
"Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t habang tinutugunan natin ang sarili nating mga suliranin, angkop lamang na bantayan din ang ilang pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.




CALLED OUT
ALL COMMENTS
30 BrunoEsmeralda
29 zorro_T
28 mrpogiako
27 humandynamics
26 pinasbuzzer
25 ipur
24 TheGMA07
23 halabira
22 rom_05
21 kanguzoGMA7
20 kanguzoGMA7
19 semsem
18 jasmyn
17 abscbn_14344
16 iam_brainful
15 jakar
14 msTrue
13 Monicafer
12 lostris
11 jakar
more comments