WEST PHILPPINE SEA. "Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng barko natin at nasabad sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang pinuno, kailangan kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa pagsulong nito, nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na umaangkin sa halos buong West Philippine Sea, at ang karapatan natin at ng marami pang ibang bansa, kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng United Nations Convention on the Laws of the Sea.
"Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong Dagat, bilang tanda ng ating malinis na hangarin, ay agad nating pinalitan ng barkong sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa atin. Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa kabilang panig na galangin ang ating karapatan, gaya ng paggalang sa kanilang mga karapatan bilang kapwa bansang nasa iisang mundong kailangang pagsaluhan.
"Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang ang Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa inyong bakuran at sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa kanya na, papayag ba kayo? Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang sadyang atin talaga.
"Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa isyung ito. Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong iparinig sa kabilang panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.
"Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple ang solusyon. Magtiwala po kayo: kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa lahat ng pinuno ng ating bansa, pati na sa kaalyado natin—gayundin sa mga nasa kabilang panig ng usaping ito—upang makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat.
"Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito. Habang nagtatalumpati ako ngayon, may mga nagbubulung-bulungan sa isang silid at hinihimay ang aking mga sinasabi; naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas. Sasabihin nila, “Salita lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas.” Sila rin po ang magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para makausad na tayo.
"Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na lang ang sampung taon na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa magsasakang nabaon sa utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede naman palang pagyamanin sa ating sariling lupa?
"Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang pulis na namatay nang walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak niya habang hinahabol ang armadong masasamang-loob?
"Forgive and forget na lang ba para sa mga naulila ng limampu’t pitong biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba sila ng “forgive and forget?” Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok na estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status quo? Ang tugon ko, “Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi.” Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli sa sambayanan.
"Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula lamang sa tunay at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa laban sa dating pangulo. Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan ang nasaksihan natin noong ika-dalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na iyon, pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na ang kabangga mo ay may mataas na katungkulan. Noong araw na iyon, may isang Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, 'Posible palang iisang batas lang ang kailangang sundin ng court interpreter na tulad ko, at ng Punong Mahistrado.' Posible palang maging patas ang timbangan; maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
"Kaya po sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki ang inaasahan sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po nating posible ang imposible; ang trabaho natin ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago tungo sa tunay na katarungan, matapos man ang ating termino. Marami pong sira sa sistemang kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi magiging madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw na mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling ating sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan.
"Simple lang ang hangad natin: kung inosente ka, buong-loob kang haharap sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang salarin, anuman ang apelyido mo, o gaano man karami ang titulong nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan din na pananagutan mo ang ginawa mong kasalanan.
"Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin, pwede na niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na ako, puwede bang ‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang malasakit sa bayan. Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng granada sa bahay. Ma’am, may mga darating pa pong pagsubok; baka po paglaon, magaya na kayo sa akin na tinatawag, sabay-sabay pang tinatawag, na ganid na kapitalista na komunista din patungong diktador dahil sa masigasig na mga repormang ipinapatupad natin.
"Bilib po ako sa inyong pagpapakitang-gilas at maraming salamat sa pagiging instrumento ng katarungan, lalo na noong kasagsagan ng impeachment trial. Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado at Kamara de Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat na sapat.
"Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding pagsubok, batikos, at agam-agam; kasama pa ang kaba na kung natalo tayo, kayo ang unang pupuntiryahin ng kalaban. Pero ‘di kayo natinag. Umasa sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo binigo ang sambayanan; ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan.




CALLED OUT
ALL COMMENTS
30 BrunoEsmeralda
29 zorro_T
28 mrpogiako
27 humandynamics
26 pinasbuzzer
25 ipur
24 TheGMA07
23 halabira
22 rom_05
21 kanguzoGMA7
20 kanguzoGMA7
19 semsem
18 jasmyn
17 abscbn_14344
16 iam_brainful
15 jakar
14 msTrue
13 Monicafer
12 lostris
11 jakar
more comments