"Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro: Bago matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa silid-aralan. Ulitin ko po, next year pa po ‘yan; 40,000 pa lang this year. Ang minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin nating matutugunan bago matapos ang 2012. Sa taon din pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang maabot na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. Sana nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, Responsible Parenthood ang sagot dito.
"At para naman po hindi mapag-iwanan ang ating mga State Universities and Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61 percent na pag-angat sa kanilang budget para sa susunod na taon. Paalala lang po: lahat ng ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na ito. Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at ng kaukulang state colleges and universities, upang siguruhing dekalidad ang magiging produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang grado ninyo sa assignment na ito, asahan ninyong dodoblehin din namin ang kayod para matugunan ang mga natitirang pangangailangan po ninyo.
"Panay addition po ang nagaganap sa ating budget sa edukasyon. Isipin po ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana sa atin noong 2010, 177 billion pesos. Ang panukala natin para sa 2013: 292.7 billion pesos. Noong 2010, 21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang dinagdagan upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para sa 2013. Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang magcut-classes para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas malaki sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa ring binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math class para sa inyo. At sana po, sa mga klaseng iyon, pakiusap po, pasukan naman ninyo.
"Nang maupo tayo, at masimulan ang makabuluhang reporma, minaliit ng ilan ang pagpapakitang-gilas ng pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon lang itong mauupos rin paglaon. May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa paghahasik ng negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good news, at ginawang industriya na ang kritisismo.
"Kung may problema kayo na bago matapos ang taon, bawat bata ay may sarili nang upuan at aklat, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, 'Ayaw kong makapag-aral ka.'
"Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2 million na pinakamahihirap na kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok sa ospital nang hindi iniintindi ang gastos sa pagpapagamot, tingnan ninyo sila ulit, mata sa mata, at sabihin ninyong, 'Ayaw kong gumaling ka.'
"Kung nagagalit kayo na may tatlong milyong pamilyang Pilipino nang tumutungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap dahil sa Pantawid Pamilya, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, 'Ibabalik ko kayo sa kawalan ng pag-asa.'
"Tapos na ang panahon kung kailan choice lang ng makapangyarihan ang mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa TESDA, nagpamudmod ng mga scholarship voucher; ang problema, wala palang nakalaang pondo para rito. Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala: 2.4 billion pesos ang sinisingil ng mahigit isanlibong eskwelahan mula sa pamahalaan. Nagpapapogi ang isang tao’t isang administrasyon; sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad ngayon.
"Pumasok si Secretary Joel Villanueva; hindi siya nagpasindak sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang ahensya. Sa kabila ng malaking utang na minana ng TESDA, 434,676 na indibidwal pa rin ang kanilang hinasa sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program. Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng TESDA Specialista Technopreneurship Program (mas mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta). Biruin po ninyo: Bawat isa sa 5,240 na sertipikadong Specialistas, kumikita na ngayon ng 562 pesos kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki pa po ito sa minimum wage.
TRABAHO. "Mula sa pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana na ang sistema para sa mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho ang pagsigla ng ating ekonomiya.
"Alalahanin po natin: para tumabla lang, kailangang makalikha taun-taon ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new entrants. Ang nalikha po natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1 million na bagong trabaho.
"Ito po ang dahilan kung bakit pababa nang pababa ang unemployment rate sa bansa. Nang dumating tayo, eight percent ang unemployment rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011, at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong taon, sa buwan rin ng Abril. ‘Di po ba makatwirang mangarap na balang araw, bawat Pilipinong handang magbanat ng buto, may mapapasukang trabaho?
"Tingnan na lamang po natin ang BPO sector. Noong taong 2000, limanlibo katao lang ang naempleyo sa industriyang ito. Fast forward po tayo: 638,000 katao na ang nabibigyang trabaho ng mga BPO, at labing-isang bilyong dolyar ang ipinasok nito sa ating ekonomiya noong taong 2011. Ang projection nga po, pagdating ng 2016, kung saan ako po ay magpapaalam na sa inyo, 25 billion dollars na ang maipapasok nito, at makakapag-empleyo ng 1.3 million na Pilipino. Hindi pa po kasama rito ang tinatayang aabot sa 3.2 million na mga taxi driver, barista, mga sari-sari store, karinderya, at marami pang ibang makikinabang sa mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO industry.
IMPRASTRAKTURA. "Malaking bahagi din po ng ating job-generation strategy ang pagpapatayo ng sapat na imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa Boracay, nakita na naman ninyo ang bagong-binyag nating terminal sa Caticlan. Nakalatag na rin po ang plano upang palawakin ang runway nito.
"Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid: bago matapos ang aking termino, nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, New Legaspi Airport sa Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. Ia-upgrade na rin po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto Princesa, at Tacloban. Dagdag pa po diyan ang pagpapaganda ng mga airport sa Butuan, Cotabato, Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente sa Palawan. Kami po sa Tarlac ay maghihintay na lang.




CALLED OUT
ALL COMMENTS
10 shidax
9 Im_just_here
8 longbeach
7 iam_brainful
6 bigfoot12
5 Deane_2005
4 greencardholder
3 redsand
2 p4n4lo
1 chikorita_pikachu
more comments