"Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo sa problema ng NAIA 3. Hindi lang po eroplano ang nag-take off at nag-landing dito: maging mga problema’t anomalya, lumapag din. Nagbitiw na po ng salita si Secretary Mar Roxas: bago tayo magkita sa susunod na SONA, maisasaayos na ang mga structural defects na minana natin sa NAIA 3.
"Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso para sa LRT Line 1 Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las Piñas, Parañaque, at Cavite. Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag ang traffic sa Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang South Luzon Expressway, magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector. Matatapos po ang mga ito sa 2015. Magiging one hour and 40 minutes na lang ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga ito. Bago po tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad na terminal sa Taguig, Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus biyaheng probinsya, upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
"Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang dati’y itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan at umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang MacArthur Highway. Tutunawin nito ang aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala. Bilang kinatawan noon ng aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng DPWH: alam namin ang problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera. Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila ay “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit wala daw kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “sobra namang trapik, ang dami kasing ginagawa.” Paalala lang din po: naisasaayos na natin ang mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis.
"Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa kickback o kursonada, pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na bara-bara ang paglalagak natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na ito mapapako sa plano, totoong kalsada na ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa puwesto, 7,239 kilometers sa ating national road network ang hindi pa naisasaayos. 1,569 kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng pamamahala ni Secretary Babes Singson; [applause] sa 2012—2,275 kilometers pa ang maidadagdag na natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang mapanganib, tinutukoy at inaayos na gamit ang teknolohiya. Taun-taon po nating bubunuin ito, upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating national road network, maayos na po. Siyempre ‘wag la lang po n’yo dagdagan ang national road network.
"Hindi lang kalsada, kundi pati sistema, isinasaayos sa DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at procurement, 10.6 billion pesos na ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011 hanggang nitong Hunyo. Maging mga kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga po nila, 'ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.'
"Sana po hindi maantala ang pagpapatayo natin ng iba pang imprastraktura para hindi rin mapurnada ang paglago ng ibang industriya.
TURISMO. "Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura ang paglago ng turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa ating bansa, 1.8 million. Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa 3.1 million. Mantakin po ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang naidagdag nilang tourist arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa kaming kalahating taon diyan. Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012—2.1 million na turista na ang napalapag. Mas marami pang dadagsa sa peak season bago matapos ang taon, kaya hindi ako nagdududang maaabot natin ang quota na 4.6 million na turista para sa 2012. Ibig sabihin po: 1.5 million na turista ang ating maidadagdag. Samakatuwid, sa dalawang taon, mas malaki ang magiging paglago ng ating tourist arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa loob ng siyam at kalahating taon. Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi lang po tayo ng totoo.
"Pero hindi nakuntento rito si Secretary Mon Jimenez. Sabi niya, kung sa Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista noong 2011, at kung sa Thailand naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng magagandang tanawin sa ating bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan kung mangarap tayong pagdating ng 2016, sampung milyong turista na ang bibisita sa Pilipinas kada taon. Kung patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya ng ipinamalas nating hirangin ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa New Seven Wonders of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag nga po natin sa daigdig: 'It’s more fun in the Philippines.' Kahit wala pang isang taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin ang positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma. Masasabi nga po nating pagdating sa turismo, 'It’s really fun—to have Secretary Mon Jimenez as our Secretary.'
AGRIKULTURA. "Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang agrikultura. Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang makapaghatid ng mabubuting balita. Dati, para bang ang pinapalago ng mga namumuno sa DA ay ang utang ng NFA. Twelve billion pesos ang minana nilang utang; ang ipinamana naman nila sa atin, 177 billion pesos.
"Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na 1.3 million metric tons ang kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, ‘di bababa sa two million metric tons ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited rice sila kung maka-order ng bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman ito sa mga bodega. Ang 1.3 million metric tons, unang taon pa lang, napababa na natin sa 860,000 metric tons. Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa ang buffer sakaling abutin tayo ng bagyo. Huwag lang po tayong pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong mag-export ng bigas.
"Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang susi dito, makatotohanang programa sa irigasyon, at masigasig na implementasyon ng certified seeds program. Ang masakit po, hindi bagong kaalaman ito; hindi lang ipinapatupad. Kung dati pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan na kaya tayo ngayon?
"Tingnan rin po natin ang industriya ng niyog at ang cocowater na dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng magsasaka. Noong 2009—483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat po ito ng 1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong magugulat: noong 2011: 16,756,498 liters—puwede ho bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater ang in-export ng Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon may shortage na dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang pagkakataong ito: bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng bunot para makuha ang mga hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod na taon, lalo nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog: Naglaan na tayo ng 1.75 billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito.
"Sinimulan po ng aking ina ang Comprehensive Agrarian Reform Program. Nararapat lamang na matapos ang programang ito sa panahon ng aking panunungkulan. Isinasaayos na po ang sistema upang mapabilis ang pagpapatupad ng repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang maipamahagi sa ating magsasaka ang mga lupaing diniligan at pinagyaman ng kanilang pawis. Subalit mayroon pa rin pong ayaw paawat sa pagtatanim ng mga balakid. Ang tugon ko sa kanila: susunod tayo sa batas. Ang atas ng batas, ang atas ng taumbayan, at ang atas ko: Bago ako bumaba sa puwesto, naipamigay na dapat ang lahat ng lupaing sakop ng CARP.
ENERHIYA. "Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa sektor ng enerhiya. Mantakin po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng kuryente sa barangay hall, 'energized' na raw ang buong barangay. Kaya ganun na lang kung ipagmalaki nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa bansa ang may kuryente. Pati ba naman sa serbisyong dapat ay matagal nang napapakinabangan ng Pilipino, nagkakagulangan pa?
"Kaya nga po, para subukan ang kakayahan ng DOE at NEA, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos para pailawan ang unang target na 1,300 sitios, sa presyong isang milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang napailawan sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng 814 million pesos. Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong buwan, at mas marami pa pong gagawin dito hangga’t matapos ang 36,000 sitios, na dati’y inaabot ng dalawang taon.




CALLED OUT
ALL COMMENTS
10 shidax
9 Im_just_here
8 longbeach
7 iam_brainful
6 bigfoot12
5 Deane_2005
4 greencardholder
3 redsand
2 p4n4lo
1 chikorita_pikachu
more comments