"Kay Secretary Rene Almendras, bilib talaga ako sa iyo; parang hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka lang eveready, nagmistulang energizer bunny ka pa—you keep on going, and going, and going.
PEACE AND ORDER. "Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating bayan—liwanag na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng lipunan. Ang pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na magagantso. Patuloy po ang pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong krimen na naitala noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958 na lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa rito: ang dating dalawanlibo’t dalawandaang kaso ng carnapping noong 2010, lampas kalahati rin ang ibinaba: 966 na lang po iyan pagdating ng 2011.
"Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi po natin sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po, wala dapat magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang labas-masok sa kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang taon, nasentensyahan at naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na rin natin ng kaso at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa bus bombing sa Makati noong nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung isa, humihimas na ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal na droga na inaresto ng PDEA nitong 2011.
"Alam po nating hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po pinalalakas natin ang puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating tayo, apatnapu’t limang porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at umaasa sa anting-anting habang tumutugis ng masasamang-loob? May nanalo na po sa bidding, tinitiyak na lamang nating dekalidad ang kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, at itong taon po nating inaasahan ito, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na magagamit nila upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili.
"Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga nagsabi na po na ang ating Air Force, 'all air, at no force.' Imbes na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin ang ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.
"Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong buwan, nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso para sa AFP Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na labinlimang taon. Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na ‘yan: kapag naipasa na ang panukala nating AFP modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo ng pitumpu’t limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.
"Kasado na rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob ng Estados Unidos para sa Defense Capability Upgrade and Sustainment of Equipment Program ng AFP. Bukod pa po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang pagmanman sa ating mga baybayin sa ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.
"Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang Lakas ng mga kagamitan tulad ng mga kanyon, armored personnel carrier, at frigates. Hindi magtatagal, dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton class cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating ipapalaot; ngayon po, mga hi-tech at dekalidad na barko na ang tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
"Mainam na rin po siguro kung maglilinis-linis na ng mga hangar ang ating Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang lalong magpapatikas sa ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa nating C-130 na tatlumpu’t anim na taon nang rumoronda sa himpapawid: dalawa pang C-130 ang magiging operational ulit sa taong ito. Bago matapos ang taong ito, inaasahan nating mai-dedeliver na ang binili nating dalawampu’t isang refurbished UH-1H Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga radyo’t iba pang communication equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic laboratories, kasama na ang bullet station assembly. Pagdating naman po ng 2013, lalapag na ang sampung attack helicopters, dalawang naval helicopters, dalawang light lift aircraft, isang frigate, at mga force protection equipment.
"At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga pasanin nila sa pamumuhay dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang libong bahay ang naipatayo na sa ilalim ng AFP–PNP housing program.
"Hindi po ito tungkol sa pakikipaggirian o pakikipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa kakayahan nating ipagtanggol ang ating sarili—isang bagay na kaytagal nating inisip na imposible. Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong araw-araw sumasabak sa peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na makabalik siyang ligtas, ano man ang kanyang makaharap. Hayaan po nating ang ilang mga benipisyaryo ang magbigay ng kani-kanilang mga kuwento:
[Ipinalabas ang isang video kung saan nagsalita ang ilang manggagawa tungkol sa mga benepisyong nakuha nila.]
"At ngayon ngang inaaruga na sila ng taumbayan, lalo namang ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan ang kapayapaan. Tagumpay pong maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng sumuko at nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na ang karahasan. Halimbawa po ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na hindi na makakapaghasik ng kaniyang lagim. Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng katahimikan sa mga lugar na matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365 na barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa.
ARMM. "Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman tayo sa lugar na matagal naging mukha ng mga mithiing ‘di makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang mga reporma natin sa ARMM, at alam naman po n’yo, may mga ghost students doon, na maglalakad sa isang ghost road, tungo sa isang ghost school, para magpaturo sa isang ghost teacher.
"Ang mga aparisyon pong gumulantang kay OIC Governor Mujiv Hataman: Apat na eskuwelahan na natagpuang may ghost students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi lumilitaw ang pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission, gayundin ang mga tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya. Limampu’t limang ghost entry ang tinanggal sa payroll. Ang dating paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga ahensya, para maiwasan ang pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list, mapapatahimik na ang kaluluwa. Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified ghost buster.




CALLED OUT
ALL COMMENTS
30 BrunoEsmeralda
29 zorro_T
28 mrpogiako
27 humandynamics
26 pinasbuzzer
25 ipur
24 TheGMA07
23 halabira
22 rom_05
21 kanguzoGMA7
20 kanguzoGMA7
19 semsem
18 jasmyn
17 abscbn_14344
16 iam_brainful
15 jakar
14 msTrue
13 Monicafer
12 lostris
11 jakar
more comments