Sa pangunguna ng conductor na si Gerard Salonga, bahagi na ngayon ng Kapamilya network ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra na magtatanghal ng classical concerts sa iba't ibang venues. Ang grupo ay magiging bahagi na rin ng mga teleserye at pelikula ng ABS-CBN at Star Cinema pagdating sa musical scoring.

Photo: Courtesy of ABS-CBN

Nagkaroon ng kakaibang concert sa Dolphy Theater ng ABS-CBN noong Biyernes, July 20.

Imbes na ang mga kilalang Kapamilya singers ang nag-concert, isang orchestra ang gumawa nito—ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra.

Ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra ay ang bagong talento sa bakuran ng Kapamilya network.

Ang 40-piece orchestra ay pinangungunahan ng kilalang conductor na si Gerard Salonga.

Nasaksihan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang nasabing concert, na dinaluhan ng mga opisyales ng ABS-CBN  at ilang miyembro ng press.

Ang event na ito ay ang unang pagpapakilala sa grupo, na magaling na tinugtog ang ilang classical pieces at mga kilalang soundtrack ng pelikula.

Excited na ipinaliwanag ni Maestro Gerard sa mga manonood kung ano ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra.

Pagkakataon daw kasi ito para makilala ng publiko ang musika ng orchestra.

“Because we are now in a TV station, people will be able to find out who we are, and we will be able to reach them in a way that we can't without television,” saad ni Gerard.

Ayon pa sa nakababatang kapatid ni Lea Salonga, ang orchestra ay binuo rin para magbigay-serbisyo sa network.

Bukod kasi sa mga classical concerts na itatanghal ng grupo sa mga susunod na buwan ay may mga proyekto na rin ang orchestra para sa ilang Kapamilya shows at movies.

Pahayag ni Gerard, “We're in ABS-CBN, so naturally, we'll do service for the station and all its subsidiaries.

"I heard somewhere that when Star Cinema heard that an orchestra will be formed here, they said, 'Wow, film scoring!'"

"So, yeah, we'll do stuff like that. The opportunities are pretty intense for us.”

Dati raw kasi ay umuupa pa ang network ng tagalabas na mga musicians para lamang bigyan ng tunog ang kanilang mga palabas sa sine at telebisyon.