Karamihan ng mga pulitikong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ay nagsabing ang mga inihayag ni PNoy sa kanyang ikatlong SONA ay makatotohanan, kung pagbabasehan ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng tatlong taong panunungkulan.

Photo: Noel Orsal

Bagamat itinuturing na pinakamahabang State of the Nation Address (SONA) sa kasaysayan ng Pilipinas ang inilahad ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kahapon, Hulyo 23, tumutok pa rin ang sambayanang Pilipino sa paglalahad niya ng mga nagawa at mga gagawin pa lamang ng kanyang administrasyon.

Sa loob ng halos isa't kalahating oras, ang ikatlong SONA ni PNoy ay nakatanggap ng 119 na palakpakan mula sa mga panauhin sa Session Hall ng House of Representatives, sa loob ng Batasan Pambansa Complex, Quezon City.

Ilan sa mga isyung binanggit ni PNoy sa kanyang SONA—na lubos na pinalakpakan ng mga senador, kongresista, at iba pang mga panauhin—ay ang tinawag niyang “responsible parenthood,” na iniuugnay sa usapin ng Reproductive Health Bill; ang pagtaas ng budget para sa edukasyon; at mga programang pang-agrikultura at imprastraktura.

Kasama rin sa mga susunod na plano ng administrasyong Aquino ang pagkakaroon ng mas modernong kagamitan para sa sandatahang lakas at ang pagkikipaglaban para sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.

(CLICK HERE to read related article.)

Nang matapos ang SONA ni Pangulong Aquino, agad na kinuha ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang mga nakaantabay na mamamahayag sa Batasan Pambansa, ang reaksiyon ng mga pulitikong nakinig sa loob ng Session Hall.

Karamihan sa kanila ay positibo ang naging pagtanggap sa ikatlong SONA ng Pangulo.

VICE PRESIDENT JEJOMAR BINAY. Si Bise Presidente Jejomar Binay, na hindi ka-partido ng Presidente ngunit kaalyado nito, ay nagsabing, “Napakaliwanag ng sinabi ng Pangulo sa repormang nagawa niya.

“Itong mga ginawa niya ay hindi nagawa noong nakaraang administrasyon.

“So, asahan niyo naman na ang kanyang gabinete ay nagpupursige para matamo ang kanyang mga pinapakita.”

SENATOR JINGGOY ESTRADA. Ganito rin halos ang reaksiyon ni Senator Jinggoy Estrada nang makausap siya sandali ng ilang press. Hindi rin ka-partido ng senador ang Presidente at hindi rin niya ito kaalyado sa lahat ng isyu.

Aniya, “Ako, I’m very proud to be a senator during his leadership.

“His speech was very, very realistic and very, very doable.

“It’s doable in the sense na they’re achievable in terms of infrastructure, sustainable program… Everything he said, I think, they’re all acceptable.”

Gayunman, umaasa si Senador Estrada na hindi nalilimutan ng Pangulo ang kanyang mga naunang naipangako sa bayan.