Gaganap bilang isang madre ang Superstar na si Nora Aunor sa isang espesyal na episode ng Untold Stories, ang weekly drama anthology ng TV5. Ito ang ikatlong pagkakataong gaganap bilang isang madre si Nora.

Photo: William R. Reyes

Masayang-masaya ang Superstar na si Nora Aunor nang datnan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Untold Stories, ang weekly drama anthology ng TV5.

Naganap ang taping noong Huwebes, August 16, sa Barangay Balagtas, Boys Town Complex, sa Parang, Marikina City.

Ginampanan dito ni Nora ang papel ng isang madre, si Sister Thelma L. (Sister Thelma Layug).

Kasama niyang gumanap sa episode na ito sina Yul Servo bilang kanyang "love interest,” at ang veteran actresses na sina Angie Ferro bilang ina ni Nora at Ermie Concepcion bilang ina ni Yul.

Buong araw, simula ika-pito ng umaga hanggang madaling-araw ng August 17, nag-taping si Nora.  

Tila wala naman siyang kapaguran at masiglang-masigla sa ginagawa.

Pangatlong pagkakataon na raw ito na gumanap siya sa papel ng isang madre ng simbahan.

"Yung una, sa 'Caridad' episode ng Fe, Esperanza, Caridad. Si Gerry de Leon ang direktor ko,” pag-alala ni Ate Guy sa 1974 classic film na iprinodyus ng Premiere Productions, Inc.

"Tapos, meron pang isa na madre din ako... sa Nora sa ABS-CBN," banggit din ni Ate Guy sa episode ng kanyang dating drama anthology.

Sa episode ngayon ng Untold Stories, may conflict ang tauhang ginampanan ni Nora bilang si Sister Thelma, dahil umibig ito sa isang lalaking ipinakipaglaban niya, kapalit ang tinanggap na bokasyon.

Sa ginawang pag-i-internalize, hindi naman daw kinailangang dumaan ang Superstar sa mahirap na proseso. 

Aniya, "Napi-feel ko lang lahat ng eksena.”

Malaki raw ang naging bahagi ng pagyao ng kaibigang direktor na si Direk Mario O'Hara, dahil nagsilbing motibasyon ang matinding lungkot na nadarama pa rin ngayon ng aktres.

"Ay, oo naman. Siya ang umpisa ko," pag-alala pa ni Ate Guy.

Ito naman ang ikalawang pagkakataon na naging kapareha ni Nora ang aktor at Manila councilor na si Yul Servo. Una silang nagkasama sa pelikulang Naglalayag, na ipinalabas noong 2004.