Marky Lopez on doing his responsibility as a father to five-year-old daughter with Girlie Sevilla: “Kaya kahit hindi kami nagkatuluyan ni Girlie, 'pinapadama ko pa rin sa anak namin na may pamilya siya. Nandito pa ang tatay niya na handang makita siya kahit anong oras.”

Photo: Courtesy of GMA-7

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkuwento sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang character actor na si Marky Lopez tungkol sa kinahinatnan ng relasyon nila ng dating girlfriend na si Girlie Sevilla.

Si Girlie ay anak ng dating film producer na si Violet Sevilla. Ang Violett Films nito ang nag-produce ng award-winning film na Magnifico (2003).

Nagkakilala sina Marky at Girlie nang nagkasama sila sa telefantasya ng GMA-7 na Encantadia noong 2005.

Pagbabalik-tanaw ni Marky, “Siya yung gumanap na si Gurna, yung dama ni Pirena [Sunshine Dizon].

“Ako naman si Wantuk, isa ako sa mga sidekick ni Ybarro [Dingdong Dantes].

“One year din kasi tumakbo yung Encantadia. Nagka-debelopan kami kasi marami akong naging eksena na kasama si Girlie.

“Hanggang sa naging kami na nga.”

Nakausap ng PEP si Marky sa press launch ng GMA-7 afternoon drama series na Sana Ay Ikaw Na Nga sa Excess Superclub, Timog Avenue, Quezon City last August 23.


WHIRLWIND ROMANCE. Magti-three years na raw ang relasyon nila nang mabuntis ni Marky si Girlie.

Pero bago man makapanganak si Girlie ay nagkaroon na sila ng problema.

Sabi ni Marky, “Sa simula pa lang naman ng relasyon namin, marami nang hindi sang-ayon.

“Lahat naman ginawa ko para ma-prove ko na mahal ko talaga si Girlie.

“Nasa plano na namin ang magpakasal noon pa, pero may mga pumigil sa kanya.

“Hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin ko. Hanggang sa nagkahiwalay kami.

“Noong manganak nga siya, wala ako doon. Nauna pa ang ibang tao na makakarga sa anak ko.”